Lunes, Disyembre 29, 2025

Dispalinghadong flood control, gumuhò

DISPALINGHADONG FLOOD CONTROL, GUMUHÒ

may dispalinghadong flood control ang nabisto
na halaga'y walumpu't pitong milyong piso
nasayang lang ang pondo, nakapanlulumò
nang proyektong flood control ay biglang gumuhò

sa kabilâ ng kawalan ng bagyo, lindol
o bahâ, sayang tuloy ang mga ginugol
kung di pala pulido ang pagkakagawâ
ng panlaban sa bahâ, kawawà ang madlâ

winalang bahala ang ulat na may bitak
ang proyekto, hanggang pagguho na'y naganap
mga residente na mismo ang nagsuplong
sa awtoridad, binalewala ang sumbong

dapat talagang nangyari'y imbestigahan
na kayâ di pulido ay may kurakutan
sa ganyan, masa'y dapat talagang magalit
at sinumang kurakot ay dapat mapiit

- gregoriovbituinjr.
12.29.2025

* ulat mulâ sa pahayagang Remate, DIsyembre 17, 2025, pahina 1 at 2

Linggo, Disyembre 28, 2025

Kasaysayan at kabayanihan

KASAYSAYAN AT KABAYANIHAN

kahapon lamang ay nag-usap ang Kamalaysayan
o Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan
ano nga ba ang kasaysayan ng kabayanihan?
ano ang kabayanihan ng nasa kasaysayan?

nakapag-usap kami sa bahay ni Ninong Dadò
hinggil sa buhay, samahan ba'y saan patutungò?
saysay ng kasaysayan, paano bansa'y nabuô?
sa pamilya ni Sidhay, ngalan nila'y katutubò

kasamang Kikò sa pamumuno'y nagpanukalà:
sa limang Ga mamulat mga pinunò sa bansâ
yaong Giliw, Giting, Gilas, Ganap, at Gantimpalà
mula katutubong lirip, di kanluraning diwà

nabanggit ko ang kay Jacinto'y Liwanag at Dilim
malayang akdang sa kaytinding liwanag ay lilim
lalo ngayong ang bansa'y kinakanlungan ng lagim
ng mga kurakot sa krimeng karima-rimarim

kay Ka Jed, panulat na Baybayin sa Amerika
binalita ng anak niyang antropolohista
salitang busilak, tapat at taya'y nabanggit pa
mga bayani'y itinaya ang buhay talaga

nagbigay ng malalim na diwa si kasamang Ric
na saliksik sa kasaysaya'y dapat matalisik 
si Ate Bel, inasikaso'y librong sinaliksik
habang sa sansulok, nagsulat ako ng tahimik

- gregoriovbituinjr.
12.28.2025    

Pagkatha't lampungan

PAGKATHA'T LAMPUNGAN

kaysarap masdan ng mga pusà
sa lampungan habang kumakathâ
ang makatâ ng mga akalà
o ng samutsaring sapantahà

kapwa pusa'y kanyang dinilaan
tulad ng paglinis sa katawan
o tandâ rin ng pagmamahalan
ng mga pelina sa lansangan

ganyan lang kahit mumunting bagay
isinasama sa pagninilay
baka may katotohanang alay
na nilantad sa atin ng búhay

ang pagkatha'y pagkamalikhain
at ginagawâ di man kumain
lalo't walang salaping maangkin
likha ng likha kahit gutumin

- gregoriovbituinjr.
12.28.2025

* nasa bidyo ang mga pusà at ang poster na nakasulat ay "Don't think! Thinking is the enemy of creativity." ~ Ray Bradbury"
* pelina - feline sa Ingles
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/r/17PYRJRe9b/ 

Paglalakbay sa búhay

PAGLALAKBAY SA BÚHAY

palakad-lakad, pahakbang-hakbang
sa isang malawak na lansangan
animo'y nagpapatintero lang
sa maraming tao at sasakyan

tumatawid sa mga kalsada
sa dinaraanang sanga-sanga
habang naglalakbay na mag-isa
at nadarama'y lumbay at dusa

mahalaga'y maraming manilay
na isyu man o pala-palagay
kayâ mga kathang tula'y tulay
patungo sa pangarap na búhay:

isang lipunang mapagkalingà
bansang maunlad at maginhawà
walang balakyot at walanghiyâ
wala ring kurakot at kuhilâ

- gregoriovbituinjr.
11.28.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/r/1ANtdYnMX2/ 

Sabado, Disyembre 27, 2025

Maging bayani

MAGING BAYANI

nakodakan puntang pulong hinggil sa kasaysayan
mula sa kitaan ay amin itong nadaanan
paalala'y: "Be a hero to our heroes' children"
maging bayani tayo, aba'y kaygandang isipin

kaytinding usapin ngayon ang malalang korapsyon
mga bayani kung nabuhay pa'y tiyak babangon
palalayain ang bayan mula sa pagkasadlak
sa kumunoy ng katiwalian, pusali, lusak

anong lalim ng kanina lang ay pinag-usapan
ng Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan
(Kamalaysayan): kultura, konsepto, pagkatao,
ang pagkabuo ng bansa, anong tungkulin dito

paano matanaw ang liwanag sa laksang dilim
lalo na't ngayon korapsyon ay karima-rimarim
sinagpang ng ahas, pating, buwaya, at buwitre
ang buwis at pondo ng bayan, talagang salbahe

kaya hamon sa atin ang nasabing paalala
na laban sa korapsyon, tayo'y may magagawa pa
dinastiya't oligarkiya'y tuluyang mabuwag
pangarap na sistemang patas ay dapat itatag

- gregoriovbituinjr.
12.27.2025

Kayrami palang search engine

KAYRAMI PALANG SEARCH ENGINE

natutunan ko sa isang palaisipan
na sa internet pala'y kayraming search engine
lalo't mananaliksik kang may hinahanap
mga impormasyong dapat mabasa man din

nariyan ang Rambler, Infospace, Blekko, Yahoo,
Altavista, Gigablast, Webopedia, Blingo,
Yandex, Google, Dogpile, Naver, Lycos, Otalo,
Excite, Hotbot, Mamma, Yippy, Iwon, Mahalo

samutsaring makina sa pananaliksik
Yahoo at Google lang ang madalas kong gamit
ang iba'y susubukan kong may pagkasabik
lalo't may hinahanap ako't hinihirit

salamat at may Word Search o Hanap Salità
at ganitong datos ay nahanap kong biglâ

- gregoriovbituinjr.
12.27.2025

Biyernes, Disyembre 26, 2025

Nakapagngangalit na balità

NAKAPAGNGANGALIT NA BALITÀ

sinong di magngangalit sa ganyang balità:
nangangaroling, limang anyos, ginahasà
at pinatay, ang biktima'y napakabatà
kung ako ang ama, di sasapat ang luhà

dapat madakip at maparusahang tunay
ang mga suspek, dapat silang binibitay
may kinabukasan pa ang batang hinalay
sa ganyang kasamaa'y di mapapalagay

anang ulat, ang bata'y inumpog, sinakal,
isinako, kamatayang talagang brutal
sa sibilisadong mundo'y malaking sampal
umaming durugista ang dalawang hangal

kahiya-hiya ang krimen nilang ginawâ
angkan nila tiyak sila'y ikahihiyâ

- gregoriovbituinjr.
12.26.2025

* ulat mulâ sa headline at pahina 2 ng pahayagang Bulgar, Disyembre 23, 2025    

Huwebes, Disyembre 25, 2025

Hayaan n'yong magkwento ako

HAYAAN N'YONG MAGKWENTO AKO

hayaan n'yong magkwento ako sa bawat sandali
pagkat pagkukwento naman ay di minamadali
salaysay ng mga nangyari, dinanas at sanhi
hanggang itanong sa sarili, anong aking mithi?
bakit mga trapong kurakot masamâ ang budhi?

ang Paskong tuyó ba'y pagtitiis lamang sa tuyó
may letson nga subalit ang buhay ay nanunuyô
pagkat walâ na ang tanging pagsintang sinusuyò
kahit tahakin ko man ang ilaya hanggang hulô
di ko na batid kung paano tupdin ang pangakò

hayaan n'yong makathâ ko pa ang nobelang nais
upang kamtin ang asam na tagumpay na matamis
sa kabilâ ng mga naranasang pagtitiis
hanggang aking matipunong katawan ay numipis

- gregoriovbituinjr.
12.25.2025

Paskong tuyó

PASKONG TUYÓ

ano bang aasahan ng abang makatâ
sa panahong ipinagdiriwang ng madlâ
kundi magnilay at sa langit tumungangà
kahit nababatid ang samutsaring paksâ

tandâ ko pa ngayon si Heber Bartolome
noong buhay pa't nakakapunta pa kami
sa kanyang bahay, talakayan ay matindi
at may konsyertong Paskong Tuyó siya dati

ngayon, mag-isa akong nagpa-Paskong Tuyó
walâ na si misis, walâ nang sinusuyò
singkwenta pesos ang isang tumpok na tuyó
binili kahapon, kanina inilutò

minsan, tanong ko, sadyâ bang ganyan ang buhay
ako'y makatâ at kwentistang mapagnilay
tanging naisasagot ko'y magkakaugnay
habang patuloy pang nakikibakang tunay

- gregoriovbituinjr.
12.25.2025

Regalong isdâ sa tatlong pusang galâ

REGALONG ISDÂ SA TATLONG PUSANG GALÂ

sadyang ipinaglutò ko sila ng isdâ
upang madama rin ng mga pusang galâ
ang diwà ng ipinagdiriwang ng madlâ
bagamat Paskong tuyó ang dama kong sadyâ

sa panahong yuletido ay naririto
pa ring kumakathâ ng mga tula't kwento
wala pang pahinga ang makatang biyudo
buti't may mga pusang naging kong kasalo

ang isa'y inahing pusang may tatlong anak
ang dalawa'y magkapatid, nakagagalak
walâ si alagà, saan kayâ tumahak?
habang pusò nitong makata'y nagnanaknak

sige, mga pusang galâ, kayo'y kumain
kaunti man ang isdâ, ipagpaumanhin
basta nandyan kayo'y laging pakakainin
upang walang magutom isa man sa atin

- gregoriovbituinjr.
12.25.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/r/1693EHNwHx/ 

Miyerkules, Disyembre 24, 2025

Noche Buena ng isang biyudo

NOCHE BUENA NG ISANG BIYUDO

nagsalita ang D.T.I., atin daw pagkasyahin
iyang limang daang piso sa Noche Buena natin
maraming nagprotesta, huwag daw tayong ganyanin
habang kurakot ay bundat sa ninakaw sa atin

may Noche Buena Challenge, diyata't aking tinanggap
Noche Buena ng isang manunulat na mahirap
ang sinabi ba ng D.T.I. ay katanggap-tanggap?
sa bisperas ng Pasko, buhay ko'y aandap-andap

ang Noche Buena ko'y wala pang limandaang piso
unang Noche Buena ko ito mula mabiyudo
sa karinderya'y sisenta pesos ang tasang munggo
ang isang tumpok ng hipon ay isandaang piso

balot ng kamatis, tatlo ang laman, bente pesos
pati sibuyas na tatlo ang laman, bente pesos
santumpok ng anim na dalanghita, trenta pesos
isang pirasong mansanas, halaga'y trenta pesos

sampû ang santaling okra sa hipon inihalò
tatlong nilagang itlog na ang bawat isa'y sampû 
limampung piso naman ang isang tumpok na tuyó 
pitumpung piso pa ang Red Horse na nakalalangô 

limampung piso ang sangkilong Bachelor na bigas
Noche Buena iyan, iba pa ang agahan bukas
dahil nag-Noche Buena'y bálo, iyong mawawatas
walang limandaang piso ang gastos, di lumampas 

- gregoriovbituinjr.
12.24.2025

* DTI - Department of Trade and Industry    

Pagbabasa't pagninilay

PAGBABASA'T PAGNINILAY

patuloy lang akong nagniniay
nagtatahi ng pala-palagay
magpa-Pasko subalit may lumbay
pagkat nag-iisa na sa buhay

abang makatâ sa kanyang kwarto
ay pinaligiran na ng libro
paksa'y pulitika, kuro-kuro
tulâ, saliksik, pabulâ, kwento

balik-balikan ang kasaysayan
ng daigdig, iba't ibang bayan
basahin pati na panitikan
ng katutubo't mga dayuhan

ganyan ang gawain ko tuwina
pag walang rali, magbasa-basa
at magsulat ng isyu ng masa
nang sistema'y baguhin na nila

- gregoriovbituinjr.
12.24.2025

Bantiláw

BANTILÁW

bihirang gamitin / ang lumang salitâ
sa panahon ngayon, / ngunit sa balità
sa dyaryo'y nabása / aba'y anong rikit
salitang "bantiláw" / sa isports ginamit

kayâ inalam ko / sa Diksiyonaryong
Adarna kung anong / kahulugan nito:
di sapat ang init / ng apoy sa kalan
upang makaluto / ng kanin at ulam

di rin daw masinop / ang pagkakagawâ
na kapag bantiláw, / madaling masirà
kumbaga, ginawa'y / di pala pulido
maiinis ka lang / pag ginamit ito

maraming salamat / at kalugod-lugod
wikang Filipino'y / naitataguyod
nang itong "bantiláw" / nabása sa ulat
may bagong salitang / sa atin nagmulat

- gregoriovbituinjr.
12.24.2025

* pamagat ng ulat sa isports ng pahayagang Bulgar: "Ancajas Nabantilaw ang Title Eliminator Dahil sa Injury", Disyembre 24, 2025, p.12

Nasa higaan ko si alagà

NASA HIGAAN KO SI ALAGÀ

kadarating ko lang galing pamamalengke
nang si alagà ay nakitang nasa katre
ayos lang, 'kako, sa akin agad tumabi
baka raw may uwing isda mulâ palengke

binidyuhan ko't siya'y aking kinausap
tilà pawis ko sa kama'y nilanghap-langhap
agad siyang pinababâ, aking pinagpag
ang higaan baka may balahibong lagas

salamat, alagà, bantay ka nitong bahay
kayâ mga daga'y di makalarong tunay
naririyan ka habang ako'y nagninilay
upang kumatha ng kwento, tula't sanaysay

ngayong Pasko, mga pusà ang kasama ko
sa Noche Buena'y sila ang aking kasalo
tig-isang pritong isdâ ang tanging regalo
habang Paskong tuyó naman ang aking Pasko

- gregoriovbituinjr.
12.24.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/r/17e1KpKw5Y/ 

Martes, Disyembre 23, 2025

Salamat sa pamasko ng karinderya

SALAMAT SA PAMASKO NG KARINDERYA

mula sa kinakainan kong karinderya
sa kanilang suki ay nagregalo sila
pamaskong handog sa mga kostumer nila
ang natanggap ko'y sando, salamat talaga

bihira rin ang mga ganitong pamasko
na mga suki nila'y bibigyang regalo
marahil ay swerte sila sa taóng ito
bilang pasasalamat, namigay ng sando

kaninang umaga'y doon ako kumain
ng sinigang na isda't kangkong ang gulayin
sa kanto ang karinderya ni Ate Arlene
doon munting regalo'y inabot sa akin

katabi kong kumain ay nagpasalamat
sapagkat pareho rin kaming nakatanggap
"Merry Christmas", si Ate Arlene ang nangusap
"Merry Christmas din po", tugon kong walang kurap

- gregoriovbituinjr.
12.23.2025

* makikita sa regalo, nakasulat ay Ate Arlene's Eatery

Bawat butil, bawat patak

BAWAT BUTIL, BAWAT PATAK

pag ikaw ay magsasaka
bawat butil mahalaga
sa paggamit man ng tubig
bawat patak mahalaga

ang isa'y pinaghirapan
nang may makain ang bayan
tinanim, inalagaan
laking galak pag anihan

kapwa galing kalikasan
ating pinagtrabahuhan
nang pamilya't kabuhayan
kaginhawaha'y makamtan 

kayâ ganyan kahalaga
bawat butil, bawat patak
tiyaking di maaksaya
ang natanggap na biyaya

- gregoriovbituinjr.
12.23.2025

* larawan mula sa google

Lunes, Disyembre 22, 2025

Mga tulâ ko'y di magwawagi

MGA TULÂ KO'Y DI MAGWAWAGI

batid kong sapagkat makamasa,
makabayan, makamaralitâ,
pangkababaihan, magsasaka,
aktibista, makamanggagawà

mga tulâ ko'y di magwawagi
sa anumang mga patimpalak
pawang magaganda'y napipili
gayunpaman, ako'y nagagalak

sa mga akda nilang nanalo
ako sa kanila'y nagpupugay
salamat at buháy pa rin ako
patuloy ang katha't pagninilay

pagkat tulâ ko'y upang magsilbi
sa nakikibakang mamamayan,
sa mga maliliit, naapi,
sa nais mabago ang lipunan

kung sakaling tulâ ko'y magwagi
tiyak di galing sa akademya
kundi sa pagbabakasakali
na gantimpala'y mula sa masa

- gregoriovbituinjr.
12.22.2025

Muli, sa Fiesta Carnival

MULI, SA FIESTA CARNIVAL

sa Fiesta Carnival ay muling tumambay
upang iwing kalooban ay mapalagay
dito kami noon nagkikita ni Libay
upang kumain, upang magkwentuhang tunay

alaalang laging binabalik-balikan
lalo't magpa-Paskong punô ng kalumbayan
mabuti't may madalas pagkaabalahan
magsaliksik, kumatha't rali sa lansangan

magbenta ng mga libreto kong nagawâ
planong magsalibro ng mga bagong akdâ
subukan namang nobela yaong malikhâ
magsulat ng maikling kwento, di lang tulâ

kayraming nakathâ sa Fiesta Carnival
habang naroong sa diwa'y may nakakintal
dito'y madalas nakatambay ng matagal
kakathâ habang nagugunita ang mahal

- gregoriovbituinjr.
12.22.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/r/17bjRd841V/ 

Linggo, Disyembre 21, 2025

Di ko ginagamit ang "pero" sa akdâ

DI KO GINAGAMIT ANG "PERO" SA AKDÂ

matagal ko nang di ginagamit ang "pero"
salitang Kastilà, salitang Mehikano
gayong may katumbas sa wikang Filipino
na dapat gawing palasak, gamitin ito

sa wikang Ingles, ang salitang"pero" ay "but"
sa ating wika'y ngunit, subalit, datapwat
ang mga iyan ang gamit ko sa panulat
sa tula, kwento, sa ganyan ako maingat

nais kong patampukin ang sariling wikà
bilang makatâ sa katutubong salitâ
upang mapatampok din ang ninunong diwà
habang nakikibaka kapiling ng dukhâ 

ngunit, subalit, datapwat, bagamat mithî
mga salitang ganito'y pinanatili
di wikà ng mga mananakop na imbi
kung may katumbas naman, gamiting masidhi

- gregoriovbituinjr.
12.21.2025

* kahulugan ng mga salita mula sa Diksiyonaryong Adarna

Dilis pa lang, walang pating

DILIS PA LANG, WALANG PATING

ang nakulong pa lang ay dilis
wala pang nakulong na pating
di ba iya'y nakakainis
gayong mga korap na'y buking

at ang sigaw ng taumbayan:
ikulong lahat ng kurakot!
kanilang tinig ay pakinggan
ikulong ang lahat ng sangkot

paulit-ulit yaong sigaw
inuulit-ulit ng masa
nararamdaman mo ang hiyaw
upang makamit ang hustisya

magpa-Pasko lang sa kulungan
ay yaong maliit na isdâ
wala pang pating sa piitan
walang balyenang dambuhalà

- gregoriovbituinjr.
12.21.2025

* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon at Pang-Masa, Disyembre 20, 2025, headline at pahina 2

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.