ILOG
kayrami rin pala nating salawikain
hinggil sa ilog na dapat nating alamin
na bakasakaling makatulong sa atin
paano mo tatawirin ang Ilog Pasig
kung walang tulay? kung may bangka walang katig?
kung meron man, paggaod ba'y kaya ng bisig?
ang tahimik na ilog umano'y malalim
pag maingay ang tao, walang tagong lihim
kung kayang languyin, ilog ba'y lalanguyin?
ang ilog ay di lamang iisa ang pampang
sa lubog ng lupà, ito'y naging pagitan
daluyang tubig, pampang ay magkabilaan
nais ko ring maligo't magbabad sa ilog
tanggalin ang libag, katawan ay ilubog
habang sa diwa'y may ideyang nangingitlog
- gregoriovbituinjr.
03.04.2026
* litrato mula sa Bulgar, 08.17.2025, p.9


Walang komento:
Mag-post ng isang Komento