Huwebes, Marso 19, 2026

Hindi mananahimik ang tahimik na makatâ

HINDI MANANAHIMIK ANG TAHIMIK NA MAKATÂ

tahimik lang ang makatang nakapangalumbabâ
malalim ang nilay sa pasamano ng bintanà
tila may suliranin o unos na nagbabadyâ
habang mahigpit na tangan ang prinsipyong dakilà

panatà sa sarili'y di siya mananahimik
sa mga isyung masa'y apektado, magsaliksik
agad upang magsuri ng isyu at isatitik
ilalahad ang nakitang walang patumpik-tumpik

lalo ngayon, dahil sa digmâ, lahat apektado
nagtataasan na ang bilihin, lalo ang krudo
kayrami pang mapagsamantalang nagnenegosyo
upang limpak na tubo'y mahamig ng mga ito

hindi pa tayo tapos sa isyung pangungurakot
ng mga buwaya't buwitreng dapat lang managot
ang makata'y magpapatuloy sa pakikisangkot
hindi mananahimik upang maplantsa ang gusot

- gregoriovbituinjr.
03.19.2026

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.