Huwebes, Abril 1, 2021

Munting pagninilay sa animo'y patay na oras

MUNTING PAGNINILAY SA ANIMO'Y PATAY NA ORAS

munting pagninilay sa animo'y patay na oras
kung bakit kayraming pinapaslang ang mararahas
kung bakit kayraming inosente ang dinadahas
kung bakit dapat pangarapin ang malayang bukas
kung bakit dapat itatag ang lipunang parehas

kung bakit karapatang pantao'y dapat igalang
kung bakit panlipunang hustisya'y pinaglalaban
kung bakit dapat organisahin ang mamamayan
kung bakit dapat itayo'y makataong lipunan
kung bakit hindi dapat tumunganga sa kawalan

may panahon ng pagninilay sa pakikibaka
suriin ang bulok na sistemang kapitalista
kung bakit manggagawa't dukha'y dapat magkaisa
at magsikilos para sa panlipunang hustisya
upang tuluyang baguhin ang bulok na sistema

alak man at isang platitong mani ang kaharap
may serbesa man o anumang pulutang masarap
dapat patuloy na paghandaan ang hinaharap
kung paano dudurugin ang mga mapagpanggap
kung paano itatatag ang lipunang pangarap

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.