PAGKANSELA AT HINDI
sigaw ng dukha: "Itigil ang kanselasyon
ng kontrata sa pabahay at relokasyon!"
sigaw ng isa pa: "Dapat na'y kanselasyon
ng ilehitimong utang ng bansa ngayon!"
dalawang panawagan, magkaibang isyu
na dapat maunawaan nating totoo
isa'y may bantang ebiksyon sa mga tao
isa'y ang pambansang utang na lumolobo
dalawang isyung dapat nating mapagnilay
na kinabukasan ang tatamaang tunay
isa'y hinggil sa karapatan sa pabahay
isa nama'y hinggil sa pabigat sa buhay
panawagang dapat tayong makibahagi
kundi'y walang bahay at bansa'y malulugi
tulungan ang mga dukhang maduduhagi
ilehitimong utang ng bansa'y mapawi
- gregoriovbituinjr.
08.11.2021
* litratong kuha ng makatang gala noong SONA 2021
Natitipon dito ang iba't ibang sulatin hinggil sa mga isyu ng maralita, tulad ng karapatan sa pabahay, paglaban sa demolisyon, kahirapan, ang adhikaing pagbabago ng sistema, pagsusulong ng sosyalismo, at iba pa; inilathala bilang aklat na "KOMYUN: Katipunan ng Panitikang Maralita", na nakapaglathala na ng dalawang aklat (Unang Aklat - Disyembre 2007, Ikalawang Aklat - Disyembre 2008), at inilathala ng Aklatang Obrero Publishing Collective.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Tungkol sa Akin
- kolektib
- Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento