Huwebes, Agosto 26, 2021

Una kong turok ng bakuna



UNA KONG TUROK NG BAKUNA

kahapon ay nag-text sa akin ang PasigBakuna
iskedyul ko'y kahapon ngunit kanina nagpunta
akala'y kaylayo ng Sagad ng tingnan sa mapa
tinanong ko sa kapitbahay, traysikel lang pala

alam ko, isang araw akong huli sa iskedyul
nagpunta na agad, kahit isang araw nang gahol
pamasaheng kwarenta sa traysikel ay ginugol
at masigla ko namang narating ang Sagad Hayskul

isang araw mang huli, ako'y inestima pa rin
binigyan ako ng papel upang aking sagutin
ilang tanong sa kalusugan at tungkol sa akin
walang pila, organisado, at mabilis lang din

ayon kay Doktora, ang bakuna'y AztraZeneca
kalooban ko'y handa na, sa papel ay pumirma
tinurukan ako ng maliit na heringgelya
na animo'y kasingliit lang ng bolpen kong Panda

matapos iturok, nilagay sa kahong maliit
ang mga heringgelyang pinanturok at ginamit
palagay ko, heringgelya'y di nila inuulit
isang heringgelya bawat tao, aking naisip

mabuti ang ganito't walang magkakahawahan
tanging pasasalamat ang nasa puso't isipan
sa susunod na iskedyul, sila'y magte-text na lang
para sa ikalawang bakuna'y maghintay lamang

- gregoriovbituinjr.
08.26.2021

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.