Miyerkules, Pebrero 2, 2022

02.02.2022

02.02.2022

numero dos, kapara rin ng kahoy na dos por dos
na kaakibat na rin ng pagkatao kong lubos
lalo't ako'y pinanganak sa petsang Oktubre dos
at naniniwalang sa masa'y maglingkod ng taos

petsa ngayon ay may limang dos, maswerte raw ito
nang umalis si misis ay bumalik ngayon dito
sa naipong tula'y makakagawa na ng libro
pupunta muling health center nang gamot makuha ko

Pebrero Dos, dos mil bente dos na ang petsa ngayon
kaya agad akong gumising, maagang bumangon
upang salubungin ang araw ng buong hinahon
upang kumatha ng tula't gawin ang nilalayon

at si misis ay dumating na mulang lalawigan
kaya iwi kong puso'y napuno ng kagalakan
habang patuloy ako sa paglilingkod sa bayan
ah, kaysarap maging tibak sa bayang tinubuan

pagkagising ko, si misis ay agad kong binati
habang patuloy na nagninilay at nagsusuri
ngayon ang panahong masarap magtanim ng binhi
at bagong umaga'y harapin nang may buong ngiti

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.