Miyerkules, Pebrero 9, 2022

Tagumpay ang proklamasyon ng Manggagawa Naman

TAGUMPAY ANG PROKLAMASYON NG MANGGAGAWA NAMAN

matagumpay ang naganap kagabing proklamasyon
ng Partido Lakas ng Masa, sadyang lingkod ngayon
Ka Leody de Guzman bilang pangulo ng nasyon
na sa mga suliranin ng bayan ay may tugon

mga kandidato ng P.L.M., pawang kaisa
ng taumbayan, ay nagpahayag ng plataporma
walang nagsayaw na artista ngunit nagsikanta'y
Kulay, Teatro Proletaryo't Pabrika, iba pa

nagsalita ang mabuting Propesor Walden Bello
ang pambatong senador na si Ka Luke Espiritu
ang makakalikasang kasamang Roy Cabonegro
at makakalikasan ding si David D'Angelo

mga nominado ng Partido Lakas ng Masa
Baldwin Sykimte, Lidy Nacpil, na mga kasama
Flor Santos, Manny Toribio, Jhuly Panday, pag-asa
ng bayan, para sa Kongreso'y ilagay talaga 

mabuhay kayong magigiting, ituloy ang laban
tunggalian na ng uri sa buong kampanyahan
mga kandidato ng burgesya'y huwag payagan
kundi ipanalo'y kandidato ng sambayanan

huwag hayaang ang trapo'y mabudol tayong muli
kundi baklasin na ang elitistang paghahari
di na dapat neoliberalismong siyang sanhi
ng dusa't kahirapan ng masa ay manatili

- gregoriovbituinjr.
02.09.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa Bantayog ng mga Bayani, 02.08.2022

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.