Biyernes, Hunyo 3, 2022

Alimpungat

ALIMPUNGAT

di ako makaparada roon
habang pinuputakti ng lamok
yaring sugat kong namuo noon
nang magbalantukan na'y umumbok

guniguni'y pawang pangitain
na pakiramdam ko'y di maatim
habang kayrami nila sa hardin
doon nagsisiksikan sa lilim

bigla akong naaalimpungat
sa mga nag-indakang liwanag
tila walang tulog, ako'y puyat
subalit nanatiling matatag

anila, aanhin pa ang damo
naalala habang nakatungo
kung namatay na raw ang kabayo
aral bang ito'y saan nahango

maliligtasan din ang pandemya
at anumang kaharaping sigwa
bantayan ang nagbabagong klima
sa panahong ating iniinda

- gregoriovbituinjr.
06.03.2022

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.