Miyerkules, Hunyo 1, 2022

Paalala sa dyip

PAALALA SA DYIP

pamasahe'y muli raw tataas
paalala sa dyip na nasakyan
sana lang naman iyan ay patas
nang nasa bulsa'y magkasya naman

pinaghahanda na nila tayo
habang nasa dyip ay nakatungo
isa, dalawa, o tatlong piso
ang dagdag? buhay ba'y mahahango?

kaygandang may paalala sa dyip
nang maihanda ang gagastusin
ngayon na'y dapat magtipid-tipid
subalit basta huwag gutumin

sina Bunso, ang buong pamilya
piso mang taas, malaking sadyâ
kung araw-araw mong ikukwenta
baka pera mo'y magparang bulâ

sa putik na ba pinalulusong?
gayunman, sa aking diwa't loob
salamat sa paalalang iyon
nang paghandaan ang di malunok

- gregoriovbituinjr.
06.01.2022

* litratong kuha ng makatang gala minsang sakay ng dyip

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.