Martes, Agosto 23, 2022

Bukambibig

BUKAMBIBIG

bukambibig lagi nila'y paano ba yumaman
maging katulad sila ng bilyonaryong iilan
ganito'y naging takbo ng isip ng karamihan
upang pamilya nila'y iahon sa kahirapan

ang inaasam nila'y pansarili't pampamilya 
sa pangarap na tila ba di kasama ang kapwa
ano nga ba namang pakialam nila sa iba
gayong ang iba'y walang pakialam sa kanila

bukambibig ko nama'y ginhawa ng sambayanan
kolektibong pakikibaka, walang maiiwan
kung mababago ang sistemang para sa iilan
ay ating matatayo ang makataong lipunan

di pansarili kundi panlahatan ang pangarap
ng tulad kong tibak upang makaahon sa hirap
ang sambayanan, masa'y makatao't mapaglingap
at ang bawat isa'y nakikipagkapwa ng ganap

- gregoriovbituinjr.
08.23.2022m

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.