Miyerkules, Agosto 17, 2022

Kwento: Limitahan ang ekta-ektaryang pag-aari


LIMITAHAN ANG EKTA-EKTARYANG PAG-AARI
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

May isang mayamang di man niya sabihin ay nagiging gipit ang mga mahihirap. Nakabili at napatituluhan niya ang nasa limang libong ektaryang lupa dahil na rin sa kayamanan niya at sa koneksyon niya sa pamahalaan. Magaling siyang mangangalakal. Tuso at magaling magmaniobra basta pagdating sa salapi.

Tila baga dinidiyos niya ang pera. Kaya pati ang relasyon niya sa kanyang kapwa ay nadungisan dahil sa ugali niyang pangmamata sa hindi niya kauri. Ligal naman daw niyang pinatituluhan ang kanyang lupain sa isang malayong lalawigan, at natamaan doon ang mga lupaing katutubo at mga sakahan. Kaya ang mga magsasakang dating may sinasakang lupa nang libre, ngayon ay nangangamuhan na sa kanya. Ang mga katutubo naman ay itinataboy sa kanilang lupang ninuno.

"Anong nangyari?" Sabi ng isang guro na anak ng isang magsasaka roon.

"May titulo kasi siya ng lupa na patunay na nabili niya ang lupaing iyon na nakapangalan na sa kanya," Sabi naman ng isang taga-pamahalaan, "kaya wala na tayong magagawa sa kanyang paghahari-harian sa kanyang lupain. Kanya iyon, e. Nakapangalan na sa kanya."

Patuloy pa ring bumibili ng ibang lupain ang nasabing mayaman. Tila ba hindi na nakuntento sa kinikita ng kanyang lupain. Nais pang sagpangin ang iba pang lupang kinatitirikan ng tahanan ng mga karaniwang tao. Nais niyang patayuan ng mga industriya, di pa upang magkatrabaho ang mga tao, kundi para ipagyabang ang dami ng kanyang ari-arian. Nang sa gayon ay igalang siya ng iba.

Naalala ko tuloy ang nakasulat sa Liwanag at Dilim ng bayaning si Gat Emilio Jacinto. Ang sabi roon: “Nagdaraan ang isang karwaheng maningning na hinihila ng kabayong matulin. Tayo’y magpupugay at ang isasaloob ay mahal na tao ang nakalulan. Datapwa't marahil naman ay isang magnanakaw; marahil sa ilalim ng kanyang ipinatatanghal na kamahalan at mga hiyas na tinataglay ay natatago ang isang pusong sukaban.”

“Nagdaraan ang isang maralita na nagkakanghihirap sa pinapasan? Tayo’y mapapangiti at isasaloob: Saan kaya ninakaw? Datapwa’t maliwanag nating nakikita sa pawis ng kanyang noo at sa hapo ng kanyang katawan na siya’y nabubuhay sa sipag at kapagalang tunay.”

“Ekta-ektarya na ang kanyang lupain. Hindi naman niya kailangan iyon. Tumatanda na siya. Aanhin naman niya iyon. Ang mga anak naman niya ay may sariling pamilya na at malayo sa kanya,” ayon sa magsasakang si Mang Igme, “Matagal na kaming nakatira sa lupaing ito, sapul pagkabata ay naririto na kami. Nagisnan na rin ng aking mga ninuno. At ngayon, nawala lahat ng karapatang iyon dahil lang nabili ng taong iyon at ipinangalan sa kanya ang lupang mula pa sa aming mga ninuno.”

Ganyan din ang sinasabi ng mga katutubo sa lugar. Kanila ang lupa. Naalala pa nila ang sinabi minsan ng bayaning pangat na si Macli-ing Dulag, “Bakit ninyo aangkinin ang lupang mas matagal pa sa inyo?”

Sa isang pagpupulong ng mga magsasaka, katutubo at maralitang naninirahan sa pook na iyon, napag-usapan nila ang kanilang kalagayan.

Nagmungkahi si Mang Kulas, isang lider-maralita, “Dapat tayong magmungkahi sa pamahalaan. Gawing batas na dapat limitahan ang pag-aari ng isang tao o korporasyon, upang huwag magalaw ang mga lupang ninuno, mga bukirin, at mga tahanan natin. Dapat hanggang isang libong ektarya lang ang pag-aaring lupa ng isang tao. Iyan ang mungkahi ko.”

“Dapat limang daang ektarya lang,” sabad naman ni Aling Tikay.

“Hanggang sandaang ektarya lang, masyado na sila,” ani Mang Hulo.

“Subalit paano natin sisimulan?” tanong ni Mang Ogor, “Dapat nang maisulat iyan at mapadala sa pamahalaan. May kakampi ba tayo sa Sangguniang Bayan, sa Kongreso, sa Senado? Dapat talaga limitahan ang pagmamay-ari ng isang indibidwal o korporasyon upang hindi nila magalaw ang ating mga lupang kinatitirikan ng ating bahay at mga kabuhayan. Sang-ayon ba kayo, mga kababayan.”

Ayon kay Tune, “May kakampi tayo sa Sangguniang Bayan. Tingin ko, pag lumakas ang ating pagkakaisa ay maipapanalo ang ating kahilingan.”

Dahil doon, nagkaisa silang magbuo ng isang drafting committee na magsusulat ng ihahaing petisyon o batas, nagkaisa silang planuhin na ang mga susunod na gagawin, sinong kakausapin, at ilulunsad nilang pagkilos.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 16-31, 2022, p. 18-19.    

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.