Miyerkules, Mayo 29, 2024

Isdang espada pala'y tagan

ISDANG ESPADA PALA'Y TAGAN

tanong pahalang ay ISDANG ESPADA
di ko alam iyon, ah, limang letra
kaya pababa'y sinagutan muna
iyon, isdang espada'y TAGAN pala

tiningnan ko sa isang diksyunaryo
kung ano nga bang kahulugan nito
isda, nguso'y parang lagari, sakto
ito na nga ang sagot sa tanong ko

isdang espada, ang nguso'y lagari
na sa kanyang kalaban ay panghati
o depensa laban sa katunggali
pag natusok nito'y baka masawi

walang duda, isdang espada'y TAGAN
bagong dagdag sa ating kaalaman
magagamit sa tula, kwentong bayan,
dula at pabula sa panitikan

- gregoriovbituinjr.
05.29.2024

* 25 Pahalang - isdang espada
* palaisipam mula sa pahayagang Abante, Abril 2, 2024
tagan - isdang tabang (Pritis microdon) na may mahabang nguso na parang lagari, humahaba ng 1 metro, abuhin ang sapad na katawan na may maraming tinik na maliliit, kulay tsokolate, at dilaw ang dulo (mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, Ikalawang Edisyon, pahina 1200)

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.