Miyerkules, Abril 9, 2025

Pag-ambag ng dugo

PAG-AMBAG NG DUGO

nasalinan siya ng dugo ng Oktubre
nang maospital si misis hanggang Disyembre
ngayong Abril, nasa ospital muli kami
muling sinalinan ng dugo si Liberty

di na niya maigalaw ang paa't kamay
nakailang bag na rin ng dugo si Libay
lalo't hemoglobin niya'y kaybabang tunay
kaya naisip ko ring dugo'y makapagbigay

nang minsang makita ko ang Philippine Red Cross
sa isang mall ay nag-ambag na akong lubos
dugo ko'y binigay para sa mga kapos
five hundred CC lang, di naman mauubos

ang dugo kong B na dumaloy sa katawan
na nais kong iambag para sa sinuman
isang bag man lang sa loob ng tatlong buwan
nang may maitulong sa nangangailangan

panata ko na ngayong dugo ko'y iambag
upang sa pasyente'y may dugong maidagdag
upang may kailangan nito'y mapanatag 
tulad ni misis na sana'y magpakatatag

- gregoriovbituinjr.
04.09.2025

* kinatha sa Araw ng Kagitingan, Abril 9, 2025
* litratong kuha noong Marso 6, 2025

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.