Biyernes, Oktubre 3, 2025

Ang nararapat

ANG NARARAPAT

di ko lang ito nais / kundi ito ang dapat
na sa aking prinsipyo'y / iyo nang masisipat
nakikibaka upang / matupad ang pangarap
na sistemang parehas, / isang lipunang patas

ano ang nararapat? / ang aking kasagutan:
ang mamatay sa laban, / at di sa karamdaman
kaya walang pahinga / ang tibak na Spartan
na sa pakikibaka'y / sadyang aktibo naman

katulad ng Spartan / na ngalan ay Eurytus
dakilang mandirigma / na idolo kong lubos
na namatay sa laban / nang kaaway nang-ulos
di tulad ng Spartan / na si Aristodemus

paniwala ko iyan: / ang sa laban malugmok
isang paninindigan / laban sa mga hayok
na dinastiyang bundat, / burgesya, trapong bugok
at tuluyang baguhin / iyang sistemang bulok 

- gregoriovbituinjr.
10.03.2025

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.