Linggo, Enero 18, 2026

Patuloy lang sa pagkathâ

PATULOY LANG SA PAGKATHÂ

patuloy ang pagsusulat
ng makatang nagsasalat
patuloy na magmumulat
upang isyu'y sumambulat

patuloy na kumakathâ
ng anumang isyu't paksâ
hinggil sa obrero't dukhâ
ikukwento, itutulâ

na sa panitikan ambag
na nais kong maidagdag
saya, libog, dusa, hungkag,
digmâ, ligalig, panatag

ito na'y yakap kong misyon
sulat, tulâ, kwento, tugon
umaraw man o umambon
para sa dalita't nasyon

magdamag mang nagninilay
akdang kwento't tula'y tulay
sa masang laging kaakbay
sa pagbaka man at lumbay

- gregoriovbituinjr.
01.18.2026

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.