SA IKASAMPUNG ANIBERSARYO NG BAGYONG ONDOY
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
Natagpuan ko ang aking sariling nakatayo sa harap ng isang dating opisinang tinirahan ko rin ng ilang taon. Tanda ko pa, doon nalunod ang napakarami kong gamit, tulad ng mga papel, kwaderno ng mga tula, mga nabili kong libro, mga nagawa kong aklat, at sangkaterbang damit.
Setyembre 26, 2009, sa loob ng anim na oras ay umulan ng malakas. Nagkataong wala ako sa opisina ng Bukluran ng Mangggawang Pilipino (BMP) sa K7 St., kundi naroon ako sa tanggapan ng Partido Lakas ng Masa (PLM) sa Matatag St. Doon sa PLM ay dama namin ang malakas na ulan subalit hindi naman nagbaha sa labas. Subalit sa K7, mababa pala ang lugar na iyon na parang batya, doon ay hanggang tuhod ang baha. Nagkalat ang aking mga gamit, basang-basa. Wala akong naisalba dahil wala nga ako roon. Kung naroon ako’y baka may naisalba pa ako, lalo na ang mga libro ko at damit, at naiakyat iyon sa ikalawang palapag ng inuupahang opisina.
Mabuti na lang din at wala ako roon, kundi ay baka nabasa rin ang kakukuha ko lang na pasaporte. Pagkat dalawang araw matapos iyon, Setyembre 28, 2009, ay kasama ako ng grupong ClimeXchange papunta sa bansang Thailand bilang kinatawan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pulong ng Asian People's Solidarity for Climate Justice, na itinayo bilang parallel na aktibidad sa United Nations climate talk na kasabay na nagaganap sa Bangkok.
Giniba na ang apartment ng opisinang iyon kung saan ako nakatayo. Isang alaala na lamang ang mga iyon. Isang dekada na pala ang nagdaan. Ngayon, sampung taon makaraan ang bagyong Ondoy, na ang sinasabi’y isang buwan ng pag-ulan ay naganap lamang sa loob ng anim na oras, nasaan na ba tayo ngayon? Anong mga aral kaya ang ating natutunan o nakuha sa insidenteng iyon?
Sa isang talakayan kasama ang grupo ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), napag-usapan namin ang Ondoy, pati na ang iba pang nagdaang matinding bagyo sa bansa, tulad ng Yolanda. Dapat daw pagbayaran ng Annex 1 countries ang kanilang ginawang kapinsalaan sa mga bansa sa Global South, tulad ng Pilipinas. Tanong ng isa sa mga tagapagpadaloy ng talakayan: “Ano ang inyong pagtingin o pag-unawa sa ating tinalakay kanina?” Agad akong nagtaas ng kamay.
Agad akong tumayo, “Sino bang dapat sisihin ng mamamayan kung ang kalikasan na’y masirang tuluyan? Ang mga pabrika nga ng kapitalista ay panay na usok ang ibinubuga. Fossil fuel at coal power plant ang pinaaandar nila. Panay luho lang ang mga elitista.”
Nagtaas din ng kamay si Igme, “Maganda ang iyong tinuran, Gorio. Tila ang burgesya'y walang pakialam, mga elitista'y walang pakiramdam kahit masira man itong kalikasan.”
Patango-tango lang si Isay, na siyang tagapagpadaloy ng talakayan.
Nagsalita si Ka Ruth, “May apat na hakbang na dapat isagawa ang ating pamahalaan: adaptasyon (pag-aangkop sa sitwasyon), mitigasyon (pagbabawas ng dahilan ng pag-iinit), technology transfer (pamamahagi ng kaalaman sa teknolohiya mula sa isang bansa o organisasyon sa iba pa) at pinansya (kailangang pondohan ang mga hakbanging ito).“
“Tama ka,” Sabi ko kay Ka Ruth. “Subalit wala pa riyan kung paano natin mapapanagot ang mga Annex 1 countries na mga bansang matindi kung magbuga ng mga usok, tulad ng fossil fuel at coal plants.”
“Iyan ang dapat nating pag-usapan kaya naghahanda rin tayo sa isang kilos-protesta upang iparinig ang ating hinaing.” Ani Gerry. “Kung kinakailangan ay masampahan ng kaso ang mga pabrika, tulad ng Shell, o bansa pangunahin ang US, kaya patuloy ang pag-iinit ng mundo at iba pa. Subalit sa ngayon, tutukan muna natin ang pagtalakay ng isyung klima sa inyong mga komunidad at organisasyon.”
“Sang-ayon ako. Magtalakay muna kami sa aming samahan upang mas maunawaan pa iyan ng ating mga kasapian.” Sabi ko sa kapulungan.
“Maaari ba tayong mag-iskedyul kung kailan kayo magtatalakay sa inyong samahan, at baka makatulong kami,” sabi ni Isay.
“Sige po, Mam Isay. Maaari kami sa susunod na Sabado.” Sabi ko.
Sumagot si Igme, “Kami naman ay sa araw ng Linggo.”
“Teka, ilista ko lang,” ani Isay.
Natapos ang talakayang may babaunin silang pag-asa.
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Setyembre 16-30, 2019, pahina 18-19.


