Biyernes, Setyembre 19, 2025

Nais ko pang basahin ang 100 aklat

NAIS KO PANG BASAHIN ANG 100 AKLAT 

nais ko pang basahin ang sandaang aklat 
na pawang mga klasiko bago mamatay
mga kwento't nobelang nakapagmumulat
aklat ng mga tulang sa mundo inalay

kayrami ko nang librong pangliteratura,
pampulitika, o kaya'y pangmanggagawa,
pang-ideyolohiya dahil aktibista
at gumagawa pa ng dyaryong maralita

kung malathala ang nobelang lilikhain
na paksa ko'y iskwater sa sariling bayan
kung nobela sa obrero'y matapos ko rin
asam ko'y mabasa't tangkilikin ng tanan

basa ng basa bago mawala sa mundo
ng pangarap kong sandaang klasikong aklat
librong isinalin sa wikang Filipino
ay, kayrami pang dapat mabasa't mabuklat

- gregoriovbituinjr.
09.19.2025

* litratong kuha sa Manila International Book Fair 2025
* maraming salamat sa kumuha ng litrato

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.