Sabado, Mayo 15, 2021

Ang buwan

ANG BUWAN

naroon ang buwan sa di pusikit na karimlan
animo'y nagbabalak hulugan ako ng sundang
habang naritong nakatitig pa rin sa kawalan

at ginagambala ng anumang namumutawi
sa labi ng diwatang lagi nang nananatili
sa pusong may adhikaing tunay na minimithi

tandang ang sikat ng buwan na ating naaninag
ay tanglaw sa bawat karimlang nakakabagabag
na sa bawat salimuot ay nagpapaliwanag

natutulog man ang mga paruparo't tutubi
naririyan pa rin ang mga ibong humuhuni
at nasa panagimpan ang tulang hinabi-habi

sinasaulo na ang mga taludtod at saknong
lalo't pluma'y nawalan ng tinta, bubulong-bulong
bakasakaling isulat ng nagdaraang pagong

nakatulala, makata'y naroroong tulala
nakakatula, makata'y naroong tumutula
sa ilalim ng buwan, patuloy na kumakatha

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.