Linggo, Mayo 9, 2021

Pagpupugay sa mga frontliner moms

PAGPUPUGAY SA MGA FRONTLINER MOMS

o, mabuhay kayong mga fronliner moms, mabuhay
nang dahil sa tungkulin, sa pamilya'y napawalay
upang magsilbi sa bayan at magligtas ng buhay
talagang trabaho'y ginagawa ng buong husay

tiniis ang hirap ng loob para sa pamilya
ang mga anak ay kaytagal nang di nakikita
lalo't patuloy pang nananalasa ang pandemya
sa iba't ibang panig ng bansa't daigdigan na

malungkot man subalit dapat kayong magpatuloy
sa trabaho, sa duyan man anak na'y di maugoy
dapat magtrabaho kahit anak ay nagngunguyngoy
lalo't virus ay may ibang baryant na di pa tukoy

lumalaban pa rin kayo sa samutsaring tagpo
nilalabanan ang virus sa iba't ibang yugto
upang gumaling ang maysakit, virus ay maglaho
tuloy ang laban, huwag sana kayong masiphayo

anumang dumating, huwag sana kayong bibigay
lalo't kayo'y fronliner na inaasahang tunay
Happy Mother's Day po sa mga frontliner na nanay
sa inyong lahat, kami'y taospusong nagpupugay

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.