Huwebes, Mayo 27, 2021

Magulong kapaligiran

MAGULONG KAPALIGIRAN

maraming gulong sa pamayanan
nakaharang sa dinaraanan
maraming gulo sa sambayanan
na dapat lang bigyang-kalutasan

"Gulong ng Palad" ay napanood
noong bata pa't nakalulugod
nang di pa alam ang manaludtod
sa telebisyon nga'y nakatanghod

heads will roll, mga ulo'y gugulong
pagkat kaylakas ng binubulong
na sa katiwalian sumuong
kaya taumbayan na'y nagsumbong

mahirap ang may magulong buhay
kapayapaan sana'y manilay
walang utang, mabuti ang pakay
pinupuri kahit nasa hukay

ayoko ng magulong paligid
na sa utak, gulo'y laging hatid
sana sa dilim ay di mabulid
tanging kabutihan lang ang hatid

magulong buhay ay itutula
pagkat samutsari'y mapapaksa
na bagamat nakakatulala
ay malalarawan sa salita

- gregoriovbituinjr.05.27.2021

* kuha ng makatang gala paglabas sa UP puntang Katipunan sa QC

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.