Linggo, Agosto 29, 2021

Kwento: Mataas na upa, sa iskwater tumira

MATAAS NA UPA, SA ISKWATER TUMIRA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Baguhan lang sa Maynila si Igme. Galing siyang lalawigan at lumuwas lang ng Maynila upang maghanap ng trabaho. Nakahanap naman ng trabaho si Igme. Hindi sa pabrika kundi bilang magbabasura. Iyon bang kumukuha ng basura sa bahay-bahay at inilalagay sa trak.

Gaano lang ang sinasahod ni Igme sa isang buwan. Sapat lang sa pagkain, na minsan ay kulang pa nga. Paano na ang pambayad sa upa sa bahay? Noong una ay nakipisan muna siya sa pamilya ng kanyang pinsan noong bagong salta pa lang siya sa lungsod. Subalit tila kinaiinisan na siya ng asawa ng kanyang pinsan kaya nagpasya siyang mangupahan na lang.

Kaytataas ng mga upa ng kwarto. Kaya nag-bed spacer muna siya. Kahit paano ay kaya pa niya ang upa. Hanggang manligaw si Igme sa isang may di gaanong kagandahang dilag na nagtitinda ng gulay sa palengke. Nagkaibigan sila hanggang sila’y ikasal. Hindi na mag-isa si Igme sa kanyang kama, at di na bed-space, kundi kwarto na ang kanyang inupahan bilang mag-asawa. Mahal na ang upa. Hanggang sa abutan sila ng pandemya. Nawalan sila ng trabaho nang mag-lockdown.

Nang lumuwag na ang lockdown, nagbalik siya sa pagtatrabaho bilang basurero, habang ang buntis niyang asawa ay hindi na makapag-tinda sa palengke. Subalit tumutulong sa asawa sa pamamagitan ng paglalabada. Hindi naman maganda ang kinikita nilang dalawa, kaya napilitan si Igme na maghanap ng mauupahang mas mura hanggang mayaya siya ng kanyang mga katrabaho na magtayo ng barungbarong na pansamantala nilang matitirahan sa malapit sa tambakan ng basura. 

Doon muna sila pansamantalang nagtirik ng tirahan kasama ang kanyang mga katrabaho. Doon sa tabi ng tapunan ng basura ay libre silang makatira dahil walang upa, walang maniningil sa kanila. Kaya doon sila nagtayo ng kanilang paraiso - isang munting barungbarong.

Libre ang paninirahan. Walang upa. Libre rin ang magkasakit dahil nasa tabi ng basurahan. Marahil ay ganyan ang kapalaran ni Igme at ng iba pang mahihirap na tulad niya. Ayaw nila ng hirap, tulad ng marami sa atin. Nais nila ng ginhawa, tulad ng marami sa atin.  Subalit dahil sa mahal na upa ng kahit maliit na kwarto na hindi kaya ng kanilang sinasahod, napilitan silang tumira sa iskwater, sa tabi pa ng tambakan ng basura.

Naalala ko tuloy ang awitin ni Gary Granada na may pamagat na “Bahay.” Tila ganuon ang nangyari kina Igme. Nagtayo ng tagpi-tagping barungbarong na pinatungan ng bato. 

Hanggang magkasarilinan ang mag-asawa at nagkausap.

“Hanggang kailan ba tayo titira rito, Igme?” tanong ni Teresa. “Dito ba natin palalakihin ang ating mga magiging anak?”

Nakatunganga sa kawalan si Igme. Hindi niya mawari ang kanyang kapalaran. Ang nasabi na lang niya sa kanyang asawa na aalis din sila doon kung makakaluwag-luwag na sila. Naisip niyang umuwi sa lalawigan, ngunit anong trabaho ang madadatnan niya roon kundi magsaka na mas mabigat na trabaho kaysa pagtatapon ng basura.

“Kailan ba tayo makakaluwag-luwag? Kakarampot lang naman ang sinasahod mo, kontraktwal ka pa. Hindi pa sigurado kung kailan ka mareregular sa trabaho mo?” ungkat muli ng kanyang asawa.

“Hindi ko alam, Teresa. Basta ang alam ko, aalis tayo rito. Ayoko rin namang itira ka rito. Basta makaluwag-luwag tayo, hahanap ako ng mas maayos-ayos na kwartong uupahan natin. Basta hindi mahal o mataas ang presyo. Baka mapunta na lang sa upa ang sahod ko at hindi na tayo makakain.” Ito na lang ang malungkot na nasabi ni Igme.

“Makakaraos din tayo.” Muling sabi ni Igme sa kanyang asawa. Tila baga pagbibigay ng pag-asa sa walang kapaga-pag-asang kinabukasan.

“Tara, mahal ko, matulog muna tayo. Mag-aalas-dose na pala ng hatinggabi,” ang nasabi na lang ni Igme habang nakatitig sa kawalan.

Umalingawngaw sa di kalayuan ang isang mahinang awitin sa radyo. Tila ba batid ni Gary Granada ang kanilang sinapit. Hanggang unti-unting nakatulugan ni Igme ang pakikinig.

“Isang araw, ako'y nadalaw sa bahay-tambakan
Labinlimang mag-anak ang doo'y nagsiksikan
Nagtitiis sa munting barong-barong na sira-sira
Habang doon sa isang mansiyon, halos walang nakatira
Sa init ng tabla't karton, sila doo'y nakakulong
Sa lilim ng yerong kalawang at mga sirang gulong
Pinagtagpi-tagping basurang pinatungan ng bato
Hindi ko maintindihan, bakit ang tawag sa ganito ay bahay?
Sinulat ko ang nakita ng aking mga mata
Ang kanilang kalagayan, ginawan ko ng kanta
Iginuhit at isinalarawan ang naramdaman
At sinangguni ko sa mga taong marami ang alam
Isang bantog na senador ang unang nilapitan ko
At dalubhasang propesor ng malaking kolehiyo
At ang pinagpala sa mundo, ang diyaryo at ang pulpito
Lahat sila'y nagkasundo na ang tawag sa ganito ay bahay.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 16-31, 2021, pahina 16-17.

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.