Martes, Agosto 3, 2021

Magla-lockdown na naman

MAGLA-LOCKDOWN NA NAMAN

magla-lockdown na naman, obrero'y muling dadaing
mawawalan ng trabaho't gutom muli'y kapiling
habang kapitalista'y ngingisi-ngising balimbing
pandemya'y ginawa pang palusot sa union busting

labinglimang araw pa ang lockdown ngayong Agosto
dahil daw sa Delta variant na kaytinding totoo
tatamaan na naman nito ang mga obrero
lalo't kapitalista'y nagmamaniobrang todo

matapos ang lockdown, mga unyon na'y umaangal
pagkat union busting na'y unti-unting pinairal
papapasukin ang mga manggagawang kontraktwal
habang nganga naman ang mga obrerong regular

kalagayan sa pinapasukan ay lumulubha
pandemya ang nakitang butas ng namamahala
upang gipitin ang unyon, ang sigaw nilang sadya:
ayuda, proteksyon at trabaho sa manggagawa!

kapitalista'y huwag bigyan ng pagkakataon
na magpatuloy sa mga C.B.A. violation
dapat pang magkaisa't magpakatatag ng unyon
upang maipanalo ang kanilang laban ngayon

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos ng manggagawa sa harap ng tanggapan ng DOLE sa Intramuros, Maynila noong Hulyo 23, 2021

* balitang magpapatupad muli ng lockdown sa Metro Manila mula Agosto 6-20, 2021

Sanggunian:
https://www.rappler.com/nation/metro-manila-placed-under-ecq-august-6-to-20-2021
https://news.abs-cbn.com/news/07/30/21/metro-manila-ecq-from-august-2021

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.