Lunes, Nobyembre 28, 2022

Imbestigahan ang sabwatan

IMBESTIGAHAN ANG SABWATAN

doon sa tanggapan ng Kagawaran ng Paggawa
ay nagsikilos ang mga babaeng manggagawa
imbestigahan ang sabwatan ng mga kuhila
kaya nagsara ang pabrikang pinasukang sadya

huwad na pagsasara'y isyu nila't panawagan
upang ang may kagagawan niyon ay matalupan
upang sila nama'y bayaran o ibalik naman
upang hibik nilang hustisya'y kanilang makamtan

hibik ng manggagawa sana'y dinggin mo, O, DOLE 
maging patas sa desisyon, at talagang magsilbi
sa mga maliliit, sa manggagawang inapi
at di sa mga kuhila't dupang na negosyante

taasnoong pagpupugay sa mga nagsikilos
na babaeng obrerong ayaw sa pambubusabos
ng sistemang sa kabulukan ay talagang puspos
tuloy ang laban! nawa'y magtagumpay kayong lubos!

- gregoriovbituinjr.
11.28.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa 
harap ng DOLE sa Intramuros, Maynila, 11.21.2022

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.