Miyerkules, Nobyembre 23, 2022

Ipagtanggol ang karapatan ng paggawa

IPAGTANGGOL ANG KARAPATAN NG PAGGAWA

nang mabatid ang pagkilos ng uring manggagawa
doon sa tanggapan ng Kagawaran ng Paggawa
agad kaming nakiisa't nakibaka ring sadya
upang karapatan nila'y ipagtanggol ngang lubha

dahil sila ang lumikha ng ating ekonomya
walang pag-unlad sa ating bayan kung wala sila
silang nagpapatakbo ng makina sa pabrika
lumilikha ng produkto, ngayo'y nakikibaka

di munting mangangalakal ang kanilang kalaban
kundi internasyunal na kumpanyang anong yaman
limpak-limpak na ang tubo, sagad sa kabundatan
nais pa ngang mag-ekspansyon sa buong daigdigan

di pa mapagbigyan ang hinihingi ng obrero
ayon sa Konstitusyon, makabubuhay na sweldo
living wage, hindi minimum wage, sadyang makatao
ngunit barat na sweldo'y likas sa kapitalismo

baka tatalunin sila ng kumpanyang karibal
na tulad din nila'y korporasyong multinasyunal
kung di babaratin ang manggagawa, sila'y hangal
ayaw magpakatao ng kapitalistang banal

kaya dapat manggagawa'y patuloy na kumilos
wakasan ang sistemang mapangyurak sa hikahos
walang dangal sa kapitalismong mapambusabos
bulok na sistema'y dapat nang tuluyang matapos

- gregoriovbituinjr.
11.23.2022

* kuha ng makatang gala sa pagkilos ng mga manggagawa sa harap ng DOLE, 11.21.2022

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.