Martes, Nobyembre 29, 2022

Kwento - Ang Awiting Manggagawa, Awit sa Klima, at Teatro Pabrika

ANG TULANG MANGGAGAWA, AWIT SA KLIMA, AT TEATRO PABRIKA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nang magkita kami ng ilang kasama sa grupong Teatro Pabrika nitong Nobyembre 23 sa unang araw pa lang ng Ikatlong Pambansang Kongreso ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) ay ibinalita ko agad sa kanila na sayang at wala sila sa dinaluhan kong kauna-unahang National Poetry Day o Pambansang Araw ng Pagtula na ginanap sa Metropolitan Theatre. Hindi raw naman nila alam, at kung alam nila’y baka hindi sila pumunta dahil walang imbitasyon sa kanila upang kumanta.

Tama naman. Ang National Poetry Day, Nobyembre 22, ay itinaon sa kaarawan ng unang Hari ng Balagtasan na si Jose Corazon de Jesus, na kilala ring Huseng Batute. Narinig ko na kasi nang inawit ng mga taga-Teatro Pabrika ang isang tula ni Batute na pinamagatang Manggagawa. Anong ganda ng kanilang awiting iyon. Makabagbag-damdamin. Narito ang tula:

Bawat palo ng martilyo / sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, / alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong / sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa / nitong buong Santinakpan
Nang tipakin mo ang bato / ay natayo ang katedral,
nang pukpukin mo ang tanso / ay umugong ang batingaw
nang lutuin mo ang pilak / ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo / kaya ngayo'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap / ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, / tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata / ay kamay mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo / ang kurus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat / dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari / nitong buong Kabihasnan.
Bawat patak ng pawis mo'y / yumayari ka ng dangal
dinadala mo ang lahi / sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka ng buhay na / walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot / nitong mundo pag namatay.

Sinabi ni Erwin Cuenca na nilagyan nila ng tono ang tulang ito bilang bahagi ng pagsasanay nila noon sa PETA (Philippine Educational Theater Association). Kung mapapansin natin, labing-anim na pantig bawat taludtod, at may sesura o hati sa ikawalo. Sa ikalabindalawang taludtod, ang salitang “kurus” ay iyon mismo ang orihinal, hindi krus, kaya sukat na sukat sa tula. 

Kahit iyon ay Pambansang Araw ng Pagtula, marami rin ang naghandog ng awitin, tulad ng dalawang anak ni Prof. Michael Coroza, na sina Miko at Haraya, na inawit ang dalawang tula ni Huseng Batute.

Maya-maya, tinawag na ang Teatro Pabrika, kasama ang Soulful Band nina Erwin Puhawan, at ang bandang Apolonio Samson, upang awitin ang isang kanta hinggil sa Climate Justice. Pinakita muna ang bersyong Ingles sa tonong “Bella Ciao” na orihinal na awiting Cubano, at inawit naman nila ang bersyong Pinoy nito. Pinakinggan ko ang awit at halos ganito ang liriko. Pasensya na kung hindi ko nakuha lahat.

Tayo nang gumising, mga mata'y imulat
Tayo nang tumulak at kumilos na, ngayon na
Adhika natin, magandang bukas
Ito na ang ating simula, ngayon na, ngayon na
Hustisyang pangklima, ngayon na, ngayon na
Ang ating mundo ay may problema
Solusyon ay iparte, ngayon na, ngayon na
Pagpalain, magandang bukas, ito ang ating simula
Hustisyang pangklima, ngayon na, ngayon na
Walang hustisya para sa klima kung sistema'y di babaguhin, kilos na
Nagnanais ng magandang bukas
Ito ang ating simula, ngayon na, ngayon na

Ilang taon na rin ang nakararaan nang makakita ako ng unang album ng Teatro Pabrika, ang Haranang Bayan, na talagang madarama mo ang pagtimo sa puso’t diwa ng mga awit, lalo na ang Lipunang Makatao. Sana’y magrekrut pa sila ng mga bagong dugo upang magpatuloy ang Teatro Pabrika.

Maraming salamat sa inyo, mga kasama sa Teatro Pabrika, na patuloy pa rin ang paglilingkod sa bayan at sa uring manggagawa, sa inyong mga makabagbag-damdaming awitin. Sana, sa ikalawang National Poetry Day na gaganapin muli sa MET sa 2023 ay maimbitahan kayo upang iparinig sa madla, lalo na sa sektor ng panitikan, tulad ng mga makata, ang pag-awit ninyo ng akdang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus. Naroon din sa aktibidad na iyon, noong 11.22.22 ang dalawang pambansang alagad ng sining para sa panitikan, sina Virgilio S. Almario at Gemino H. Abad.

Magkita-kita tayo sa MET sa Nobyembre 22, 2023 nang marinig ng madla ang pag-awit ninyo ng Manggagawa ni Huseng Batute. Kita-kits!

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 16-30, 2022, pahina 18-19.

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.