Lunes, Mayo 29, 2023

Kwento - Karapatang Pantao at Pangangalaga sa Kalikasan, Idagdag sa Panatang Makabayan

MAIKLING KWENTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

KARAPATANG PANTAO AT PANGANGALAGA SA KALIKASAN, IDAGDAG SA PANATANG MAKABAYAN

“Alam n’yo ba, pare,” sabi ni Inggo, “nagpalabas pala ng Memo Blg. 4 ang DepEd, nito lang Pebrero 14, 2023,  na pirmado ni VP  Sara Duterte, na ang laman, pinalitan lang ang katagang nagdarasal ng nananalangin sa Panatang Makabayan. Iyon lang ang punto ng memo.”

“Ano ba naman iyan?” sagot ni Igme, “kayraming dapat palitan, iyan lang. Ni hindi man lang mailagay ang mga mahahalagang isyu ng lipunan na dapat alam ng mga kabataan habang bata pa sila.”

“Ano naman ang dapat pang idagdag?” ani Igme, habang nakikinig na rin si Aling Isay sa usapan. “E, nung bata pa tayo, mukha namang maayos na ang mga salita sa Panatang Makabayan. Iniibig ko ang Pilipinas. Ito ang tahanan ng aking lahi. Ako'y kanyang kinukupkop at tinutulungan, upang maging malakas, maligaya at kapaki-pakinabang…”

“Ops, Inggo, hindi na iyan tulad noong bata pa tayo. Binago na ang mga salita sa Panatang Makabayan. Di ko alam kung kailan nila binago.” si Mang Igme, “Gayunpaman, sa mga nagdaang panahon natin ng pakikibaka mula martial law hanggang ngayon, hanggang sa nagkaroon ng malawakang patayan dahil sa War on Drugs sa panahon ng tatay ni Sara, hindi na iginalang ang karapatang pantao, na para bang barya-barya na lang ang buhay. Tapos, tumitindi na rin ang pag-iinit ng mundo dahil sa climate change. Dapat di na umabot sa 1.5 degri ang lalo pang pag-init ng mundo. Iyang dalawang isyung iyan, sa palagay ko, ang dapat maisama sa Panatang Makabayan, ang pagrespeto sa karapatang pantao at pangangalaga sa kalikasan.”

“Ayos iyan, Igme,” ani Aling Isay, “Sang-ayon ako riyan. Subalit hindi mangyayari iyan sa panahon ni Sara. Bakit? Anak siya ng dating pangulong naging dahilan ng malawakang patayan, na kahit mga bata, tulad nina Danica Mae Garcia, 5, at Althea Berbon, 4, ay napatay din. Subalit maganda ang mungkahi mo.”

“Oo nga, sang-ayon din ako, Igme, sa mungkahi  mo.” Sabi naman ni Inggo, “Ngunit paano mo ba sisimulan iyan? Dapat yata isulat mo iyan. Matatanda na tayo, may maiambag man lang tayo upang isulong pa rin ang karapatang pantao at ang climate emergency na tinalakay sa atin minsan ng mga kasama sa Philippine Movement for Climate Justice.

“Tama kayo, mga kasama, kahit internasyunalista tayo at hindi makabayan, susubukan kong isulat upang maisama sa Panatang Makabayan ang usapin ng paggalang sa karapatang pantao at pangangalaga sa kalikasan. Upang mapatimo na sa murang isipan ng mga bata ang kahalagahan ng mga isyung iyan, lalo’t may kaugnayan iyan sa pangarap nating pagtatayo ng lipunang makatao” ani Igme. “Kaya lalabas sa kabuuan ng Panatang Makabayan ay ito:”

Panatang Makabayan,
Iniibig ko ang Pilipinas,
aking lupang sinilangan
tahanan ng aking lahi;
kinukupkop ako at tinutulungang
maging malakas, masipag at marangal.
Dahil mahal ko ang Pilipinas,
diringgin ko ang payo
ng aking mga magalang,
susundin ko ang tuntunin ng paaralan,
tutuparin ko ang tungkulin
ng mamamayang makabayan
na gumagalang sa karapatang pantao
at nangangalaga sa kalikasan,
naglilingkod, nag-aaral, at nananalangin
nang buong katapatan.
Iaalay ko ang aking buhay,
pangarap, pagsisikap
sa bansang Pilipinas.

“Aba’y mahusay ang pagkakadugtong mo, di lang pagpapalit ng salita kundi pagdagdag ng konsepto,” sabi ni Aling Isay. “bagamat alam nating baka di gawin iyan ng anak ng dating pangulo, dahil sa mga naganap na malawakang pagpaslang noong panahon nito sa pagiging pangulo.”

“Mahalaga ay maitimo sa isipan ng kabataan iyan ngayon,” ani Igme” at baka sa mga susunod pang panahon, ay mailagay na iyan sa Panatang Makabayan, hindi man sa panahon natin ngayon, kundi tatlumpung taon man o limampung taon pa sa hinaharap.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Mayo 16-31, 2023, pahina 18-19.

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.