Biyernes, Mayo 12, 2023

Nagkakalantugang yantok

NAGKAKALANTUGANG YANTOK

kaysarap masdan ng yantok na nagkakalantugan
na talagang dinisenyo sa kanilang bakuran
sa tindi ng ihip ng hangin ay nagsasayawan
tila baga sila'y nagta-chacha sa kakahuyan

o kaya naman ay may nag-eensayo ng arnis
dahil sa nagkalantugang yantok na maninipis
na kung pagmasdan mo'y talagang pinagbigkis-bigkis
na disenyo'y pantay, magkahilera, walang mintis

tunog din ay marakas sa nangangaroling noon
marahil para rin maitaboy ang mga ibon
dahil sa maraming tanim na halamang naroon
tulad ng bambanti o scarecrow na tawag doon

O, iyong damhin ang kaygandang indayog at himig
ng mga yantok na kalantog ay dinig na dinig
sabay sa ihip ng hangin at huni ng kuligkig
sa mga nerbyoso marahil ay nakatutulig

kaya nagkalantugang yantok ay aking binidyo
nang madama't mapakinggan mo rin ang mga ito
ramdam mo ang kapayapaan sa mundong magulo
at nanaising magpahinga sa katabing kubo

- gregoriovbituinjr.
05.12.2023

* kinunan ang bidyo sa Daila Farm sa Tagaytay nang minsang magawi roon, Pebrero 12, 2023

* ang bidyo ay mapapanood sa: https://fb.watch/ktiGxuVsB6/

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.