Biyernes, Mayo 19, 2023

Sa bawat pag-usad ng pluma

SA BAWAT PAG-USAD NG PLUMA

saan nga ba patungo ang bawat pag-usad
niring plumang mga kwento ng kapwa'y hangad
pagkalbo ba sa kabundukan ay pag-unlad?
pagmimina'y nakabuti nga ba sa lumad?

samutsari ang sangkaterbang mga isyu
nais pa ng ilan na magnukleyar tayo
aral ba ng Fukushima'y di nila tanto?
o bulsa lang nila'y patatabaing husto?

umunlad daw tayo habang kayraming dukha
umasenso raw ang bansa ng maralita
lakas-paggawa'y di pa mabayarang tama
ang krisis pa sa klima'y sadyang lumulubha

ginagalugad nila ang ibang planeta
kung tulad ng Daigdig mabubuhay sila
gayong sariling planeta'y sinisira pa
pulos digmaan, puno ng plastik, basura

nasaan na nga ba ang pagpapakatao?
at ang pakikipagkapwa nating totoo?
na habilin sa atin ng henyong Jacinto
sa kanyang Liwanag at Dilim makukuro

plumang tangan sa ngayon ay nagpapatuloy
laging nagtatanong, problema'y tinutukoy:
bakit nagpapasasa ang iilang playboy?
habang nagdurusa ang kayraming palaboy?

- gregoriovbituinjr.
05.19.2023

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.