Biyernes, Enero 12, 2024

Paano ba tatapusin ang kwento?

PAANO BA TATAPUSIN ANG KWENTO?
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kailangan bang matapos agad ang kwento? Iyan ang tanong ko minsan, lalo na sa pagbabasa lang sa isang upuan. Mahalaga ito lalo't bukod sa tula ay nagsusulat ako ng maikling kwento, dahil inaalagaan ko ang dalawang pahina sa pinagsusulatan kong pahayagan upang paglathalaan ng sinusulat kong kwento.

Noong bata pa ako, nagbabasa kami ng komiks na madalas ay serye kaya itutuloy sa susunod na labas. Kung gayon, hindi mo agad nababatid ang buong kwento dahil dapat mong abangan ang susunod na kabanata. Nariyan naman noon ang Wakasan Komiks na talagang sa apat na pahina ay tapos na agad ang kwento. Subalit sa Aliwan komiks, halimbawa, dahil nobela, aabangan mo ang bawat labas. Noon nga ay di mo pa kailangang bilhin ang komiks, kundi arkilahin lang, at doon mo basahin sa tabi ng tindera ng komiks. Ibabalik mo rin pagkatapos mong basahin at magbayad.

Sa radyo, inaabangan namin noon ang Simatar na aabangan mo rin kada araw upang masundan mo ang kwento. Kumbaga, sa haba ng kwento, o sabihin na nating nobela, hindi mo agad mababatid ang rurok o ang katapusan ng kwento. Ang mahalaga'y napapakinggan mo ito at nasusubaybayan.

Karaniwan naman sa pelikula, natatapos mo ang kwento sa isang upuan, at nababatid mo ang kabuuan ng kwento. Tulad na lang ng mga kwento sa pelikula ni FPJ. May simula, may bakbakan ng bida at kontrabida, at kung paano tinapos ang kwento. Kumbaga, hindi bitin ang manonood.

Sa serye ng pelikulang Lord of the Rings, bitin ang manonood sa unang dalawang pelikula, lalo na yaong hindi nakabasa ng aklat ni J.R.R. Tolkien. Sa Fellowship of the Ring (2001) pa lang ay bitin dahil hindi tapos ang kwento. Sumunod ay ang Two Towers (2002), na maganda ang pagkakasalaysay, subalit bitin pa rin dahil hindi tapos ang kwento. Nabatid na lang natin ang katapusan ng kwento sa The Return of the King (2003) nang mahulog na sa kumukulong laba ng Mordor ang singsing na pinagsikapang dalhin doon ni Frodo, at ng kanyang kaibigang si Sam, kasama si Gollum.

Sa munti naming pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), ang pahina 18-19 nito ay itinalaga na para sa maikling kwento. Subalit paano mo tatapusin ang maikling kwento sa gayong maliit na espasyo. Ang bawat pahina ay kalahati ng short bond paper. Kaya ang kwento mo talaga ay ipinasok mo sa isang pahina lang ng short bond paper. Gayong pag nagbabasa tayo halimbawa ng mga maikling kwento sa magasing Liwayway, maraming pahina ang kailangan, na minsan ay umaabot ng lima o anim na pahina sa bagong anyo nito ngayon. Sa dating malaking anyo nito, na malaki pa sa short bond paper bawat pahina, ang maikling kwento ay umaabot pa minsan ng dalawa hanggang tatlong pahina.

Mahalaga kasi, hindi lang sa manunulat, kundi sa mambabasa, na mabatid agad niya ang nais iparating ng kwento, na hindi bitin ang mambabasa. Kumbaga, natapos agad niya ang kwento. Maaari namang subukang gawing serye ang kwento sa Taliba, subalit mas pinili kong bawat kwento ay wakasan upang di sila mabitin. Nalalathala ang Taliba ng dalawang beses kada buwan, kaya dalawang maikling kwento ang ating ginagawa sa bawat buwan.

Dagdag pa riyan ang kalagayang kaunti lang ang nalalathalang Taliba, wala pang isangdaang kopya bawat isyu, depende kasi sa kung magkano ang hawak na salapi, at sa mga lugar ng maralita na pagdadalhan ng Taliba dahil kung saan lang mapadapo ang organizer ay doon lang nagkakaroon ng pahayagang Taliba ang mga maralita, o nabebentahan. Kailangang ibenta upang may balik sa puhunan at makagawa uli ng pahayagan. Ang 20-pahinang Taliba ay P10. Kung walang pera ang maralita, ibinibigay na lang natin, o kaya'y donasyon batay sa kanilang kakayanan. Minsan may nagbibigay ng P5, at tinatanggap na natin basta magkaroon sila ng kopya ng Taliba. Hindi na natin pinipilit na mabayaran dahil pangkain nga lang, kulang pa sa kanila, sisingilin mo pa. Subalit meron pa rin talagang nagbibigay. Ang pahayagang Taliba naman ay hindi negosyong dapat pagkakitaan kundi babasahing katuwang ng maralita sa kanilang laban.

Sa Taliba, mas ang isyu ng maikling kwento ay batay sa kalagayan at pakikibaka ng maralita, dahil nga pahayagan iyon ng maralita. Kaya kung hindi kaugnay sa isyu nila, hindi ko roon inilalathala ang nakatha kong maikling kwento kundi sa aking blog. Sa isang iglap, tingin agad natin ay hindi isyu ng maralita ang nagbabagong klima o climate change, subalit isyu rin ng maralita ang klima, hindi lang pabahay, kahirapan, at pagiging iskwater sa sariling bayan, kundi pati na rin karapatang pantao, hustisyang panlipunan, ang ugnayan sa uring manggagawa, taas ng presyo ng bilihin, at mga isyung panlipunan.

Kaya sa tanong sa pamagat na "Paano ba tatapusin ang kwento?" Payak lang ang aking tugon. Sa kabuuan ng kwento ay nasabi ko ang isang paksa nang sa palagay ko'y hindi bitin ang mambabasa. Bagamat marahil ay bitin pa sila, depende marahil sa kanilang hinahanap o iniisip, dahil maraming paksa talaga ang nangangailangan ng detalye, malaliman at mahabang paliwanag, lalo na't isyu ito ng maralita o panlipunan, subalit baka hindi na maikling kwento iyon kundi nobela na ang kailangang sulatin. Nawa'y nakamit ko ang layuning ito sa mga kinatha kong maikling kwento.

Gayunpaman, sinasanay ko ang pagsusulat ng maikling kwento bilang paghahanda sa mahaba-habang kwento o nobela na nais kong kathain. Pangarap kong maging nobelista rin balang araw. Maraming salamat sa Taliba ng Maralita at binigyan ako ng pagkakataong malinang ang aking kakayahang kumatha ng kwento at mailathala ang mga iyon.

Talagang malaking hamon sa akin ang pagsusulat ng maikling kwento sa pahayagang Taliba, kung paano ba sisimulan ang kwento, paano padadaluyin ang usapan at banghay, at paano ko ba ito tinapos sa gayong kaliit lang na espasyo ng pahayagan.

01.12.2024

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.