Miyerkules, Marso 13, 2024

Promosyon ng heneral, hinarang ni misis sa CA

ULAT: PROMOSYON NG HENERAL, HINARANG NI MISIS SA CA
 
Narito ang bahagi ng ulat mula sa pahayagang Abante. Marso 13, 2024, pahina 2:

Naudlot ang promosyon ng isang opisyal ng Philippine Army (PA) matapos itong harangin ng kanyang asawa sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA).

"I think di niya deserve maging isang general sa aking paniniwala kung isa kang heneral, naiintindihan mo ang responsibility, accountability of the people," pahayag ni Tessa, bago ang pagdinig ng CA.

Lahad pa ni Tessa, matagal umano siyang nananahimik at tiniis ng mahabang panahon ang diumano'y pag-abusong naranasan niya sa kamay ng kanyang asawang sundalo. Maliban sa pangangaliwa, nakaranas din umano ng pisikal at mental na pag-abuso ang kanyang mga anak sa kanyang asawa.

"Ganoon ba ang isang kapita-pitagang gentleman na nag-graduate sa prestihiyosong academy, hinahayaan nakatira sa loob ng kampo ang kabit. Kami ng mga anak ay nagmamakaawa. 'Yan ba ang ipo-promote n'yong general, matagal na kaming naghihirap, tinitiis namin," sambit pa niya.

Nitong Martes, nagsagawa ng executive session ang mga miyembro ng CA panel on national defense para talakayin ang appointment ni Sevilla. Pagkatapos nito, ipinagpaliban ang kumpirmasyon ni Sevilla. [Dindo Matining]

TULA: PROMOSYON NG HENERAL, HINARANG NI MISIS SA CA

mabuhay si misis sa Buwan ng Kababaihan
pagkat kanyang mga karapatan ay pinaglaban
kanyang asawa'y hihiranging heneral ng bayan
na sariling pamilya'y sinasaktan at iniwan

pati daw kabit ay ibinabahay pa sa kampo
ano ba 'iyan, ser, masyado ka palang abuso
kung sundalo ka, responsibilidad ay alam mo
alam ni misis, may pananagutan ka sa tao

mabuti't hinarang ni misis ang iyong promosyon
bilang brigadier general sa ating bansa ngayon
sana reklamo ni misis ay mabigyan ng aksyon
at salbaheng kawal ay di iangat ng posisyon

paano ang bayan kung nagawa'y gayon kay misis
dapat ang ganyang kawal sa liderato'y matiris
taaskamao pong pagpupugay sa iyo, misis
ramdam mong may hangganan din ang iyong pagtitiis

- gregoriovbituinjr.
03.13.2024

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.