Huwebes, Marso 28, 2024

Tahong at talong

TAHONG AT TALONG

mula palengke, tahong muna'y hinalabos
hinugasan at binabad ito sa tubig
na maligamgam saka hinanda ang talbos
luya, bawang, sibuyas, kawali sa gilid

tanghali iyon, ngayong gabi iniluto
di napuna sa dami ng gawaing bahay
na gabi na pala, ramdam ko'y narahuyo
sa pagsusulat, pagtula at pagninilay

nagpahinga at muntik na ring makatulog
inihanda na ang kawali pagkat gutom
una ko munang ginisa ang mga sahog
saka nilagay ang luya, talong at tahong

naglagay ng tubig at asin, nagpasabaw
nilagyan ng talbos at dahon ng sibuyas
pinakulo, sa sarap ako'y napahiyaw
O, misis ko, tila ba ako na'y lalakas

- gregoriovbituinjr.
03.28.2024

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.