Lunes, Hunyo 3, 2024

Paglahok sa rali

PAGLAHOK SA RALI

kami'y lumalahok / madalas sa rali 
sapagkat tungkuling / di maitatanggi
tibak na di dapat / bulag, pipi't bingi
na isyu'y di dapat / isinasantabi

halimbawa, isyu'y / kontraktwalisasyon
isyung demolisyon, / pati relokasyon
nagbabagong klima, / init ng panahon
isyung Palestino, / at globalisasyon

ang utang panlabas, / pabahay ng dukha
itaas ang sahod / nitong manggagawa
gera, ChaCha, isyung / magsasaka't lupa
mga karapatan / ng babae't bata

bente ang sangkatlo / ng kilo ng bigas
pagpaslang sa adik / ay gawang marahas
paano itayo / ang lipunang patas
kung saan ang lahat / ay pumaparehas

ah, kayraming isyu / upang ta'y lumahok
at magrali laban / sa sistemang bulok
punahi't ibagsak / iyang trapong bugok
na sa pwesto nila'y / di natin niluklok

- gregoriovbituinjr.
06.03.2024

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.