Linggo, Hunyo 9, 2024

Silang pinanganak sa bahay

SILANG PINANGANAK SA BAHAY

lahat sila'y isinilang dito sa bahay
pati mga kuting na bago lang panganak
una'y dalawa ang isinilang ng nanay
sunod ay anim, sunod ay apat na anak

iba'y sinilang sa likod ng aparador
narinig ko noon ang kanilang ngiyawan
iba'y doon sa likod ng refrigerator
at natuto akong sila na'y alagaan

hanggang namatay ang ina't tila nalason
nang umuwi ng bahay, ito'y nagsusuka
hanggang ito'y nalugmok, di na nakabangon
natagpuan na lang naming ito'y patay na

kaya mga pusang itong dito sinilang
ay talagang inaalagaan na namin
pag dudumi sila'y pupunta sa labasan
kaya di nangangamoy ang tahanan namin

ang may batik na itim, unang henerasyon
na may anak na tatlo't nabuntis pa muli
ang kulay kahel, ikalawang henerasyon
na naglalambing kaya Lambing ang taguri

ang ibang pusa'y may iba nang tinirahan
o kinasama na ng ibang pusang gala
buti't ang iba'y narito lang sa tahanan
na madalas tinitirhan namin ng isda

- gregoriovbituinjr.
06.09.2024

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.