Linggo, Hunyo 22, 2025

Bakit dukha'y dapat mulatin at mag-alsa?

BAKIT DUKHA'Y DAPAT MULATIN AT MAG-ALSA?

"It is also in the interests of the tyrant to make his subjects poor... the people are so occupied with their daily tasks that they have no time for plotting." ~ Aristotle

SURVIVAL VS RESISTANCE

pinananatili nga bang mahirap ang mahirap?
interes raw ito ng namumunong mapagpanggap
pinauso ang ayuda, kunwari'y lumilingap
upang iyang masa, mga tusong trapo'y matanggap

siklo ng buhay ng dukha'y magtrabaho't kumain
di nakikitang trapo'y sanhi ng pagkaalipin
sa kalagayang ito, dapat dukha pa'y mulatin
nang pampulitikang kapangyarihan ay agawin

aba'y ayon kay Aristotle, wala raw panahon
ang mahihirap upang maglunsad ng rebolusyon
ilang siglo na palang napuna, mula pa noon
subalit ito'y nangyayari pa rin hanggang ngayon

dapat bang tigpasin ang ulo ng kapitalismo?
obrero'y hahatian ba ng tubo ng negosyo?
paano mumulatin ang nagdaralitang ito?
paano magkaisa ang dukha't uring obrero?

paano mababago ang dalitang kalagayan
kung ang mayorya ng masa'y kulang sa kamulatan
dapat batid ng dukhang di nila ito lipunan
na kaya pala nilang kamtin ang ginhawang asam

- gregoriovbituinjr.
06.22.2025

* litrato mula sa google

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.