4 NA TULANG PANGKABATAAN LABAN SA KORAPSYON
(alay sa National Poetry Day, Nobyembre 22, 2025)
Tula 1
NAIS NG KABATAAN
(7 syllables per line)
ang mga kabataan
ang pag-asa ng bayan
ani Gat Jose Rizal
na bayaning marangal
ayaw ng kabataan
kaban ay ninakawan
ng mga lingkod bayang
nagsisilbi sa ilan
kaya aming nilandas
ang pangarap na wagas:
isang lipunang patas
at may magandang bukas
kabataan na'y sangkot
sa paglaban sa buktot
na trapong nangurakot
na dapat mapanagot
iyan ang sigaw namin
ang kurakot ay krimen
sa bayan at sa atin
dapat silang singilin
Tula 2
PONDOHAN ANG EDUKASYON, DI ANG KORAPSYON
(13 syllables per line)
ang isinisigaw ng kabataan ngayon
pondohan ang edukasyon, di ang korapsyon
sa aming kabataan, ito'y isang hamon
na dapat dinggin ng namumuno sa nasyon
anang DepEd, dalawampu't dalawang klasrum
lamang umano ang nagawâ ngayong taon
sa sanlibo pitong daang target na klasrum
aba'y wala pa sa isang porsyento iyon
mga bata'y di makapasok sa eskwela
pagkat laging baha sa eskwela't kalsada
sa Bulacan ang flood control ay ghost talaga
mga kontraktor ay nagtabaan ang bulsa
kaya ang panawagan naming kabataan:
edukasyon ang pondohan, di ang kawatan
korap, managot para sa kinabukasan
buwis at pondo ng bayan ay protektahan
mabuhay ang mga kabataan ng masa
at mabuhay ang Partido Lakas ng Masa
para sa kinabukasan ay magkaisa
korapsyon wakasan! baguhin ang sistema!
Tula 3
PANGARAL NG AKING AMA'T INA
(10 syllables per line)
iginagapang ako ni ama
nang makatapos sa pag-aaral
at inaasikaso ni ina
kaya busog ako sa pangaral
pinangaralang huwag magnakaw
kahit piso man sa kaibigan
habang pulitiko'y nagnanakaw
ng bilyones sa kaban ng bayan
bakit ang masama'y bumubuti
at ang mga tama'y minamali
baliktad na mundo ba'y mensahe
ng mga pulitikong tiwali
sana makagradweyt pa rin ako
kinabukasa'y maging maayos
habang ako'y nagpapakatao
nakikipagkapwa kahit kapos
Tula 4
KABATAAN PA BA'Y PAG-ASA
(10 syllables per line)
binabahâ kami sa Bulacan
di na makapasok sa eskwela
bahang-baha sa mga lansangan
walang madadaanan talaga
dati may sakahan pa si tatay
ito na'y naging palaisdaan
dati pipitas kami ng gulay
ngayon, nawalâ iyong tuluyan
dati, gagawa kaming proyekto
katulad halimbawa ng parol
ngayon, may proyekto ang gobyerno
ngunit iyon pala'y GHOST flood control
kabataan pa ngâ ba'y pag-asa?
bakit nasa gobyerno'y kurakot
bakit nangyayari'y inhustisya
bakit korap ay dapat managot
kaylaking pwersa ng kabataan
kaya dapat lang kaming lumahok
upang lumikha ng kasaysayan
na palitan ang sistemang bulok
- gregoriovbituinjr./11.22.2025


Walang komento:
Mag-post ng isang Komento