SA NGALAN NG TULA (ngayong National Poetry Day 2025)
ngayong National Poetry Day, tula'y bibigkasin
sa pagtitipon ng kabataang kasama natin
o kaya'y sa pagtitipon ng mga maralita
sa isang komunidad, ngunit konsyerto na'y wala
kasabay ng bertdey ni Jose Corazon de Jesus
unang hari ng Balagtasan, kayhusay na lubos
tema ngayon: "Tula't Tuligsâ Laban sa Korapsyon"
pumapaksa sa mga pulitikong mandarambong
tuligsa laban sa buwayang walang kabusugan
mga kontraktor, senador, konggresistang kawatan
dahil sa bahâ, nabisto ang isyung ghost flood control
na pondo ng bayan ay sa pansarili ginugol
ng mga lingkod bayang buwis nati'y binuriki
ng mga dinastiyang di na dapat manatili
anang makatâ: parusahan ang lahat ng buktot!
sigaw ng masa: ikulong na 'yang mga kurakot!
- gregoriovbituinjr.
11.22.2025


Walang komento:
Mag-post ng isang Komento