Lunes, Agosto 25, 2025

Oo, kaylayo pa ng aking lalakbayin

OO, KAYLAYO PA NG AKING LALAKBAYIN

oo, kaylayo pa ng aking lalakbayin
upang maabot ang pitumpu't pitong taon
ng buhay na iwi't naroon man sa bangin
ay patuloy sa pagkapit, laging aahon

makikibaka hanggang sa huling sandali
upang makamit ang lipunang makatao
ipagtatanggol ang dukhang dinuduhagi
ng sistemang ang serbisyo'y ninenegosyo

patuloy sa pagbangon ang tulad kong dukha
kapara ng mga aktibistang Spartan
na tungkuling ipaglaban ang manggagawa,
magsasaka, maralita, kababaihan

tunay na kaylayo pa ng dapat lakbayin
at tuluyang palitan ang sistemang bulok
maraming ilog at dagat pang lalanguyin
hanggang sa bundok ay marating yaong tuktok

sakaling sa ulo ko'y may balang bumaon
kasalanan ko't sa akin ay may nagalit
baguhin ang sistema'y di pa raw panahon
dahil burgesya raw ang sa mundo'y uugit

- gregoriovbituinjr.
08.25.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/v/1APVN9MeHN/ 

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.