Biyernes, Agosto 22, 2025

Pagninilay-nilay

PAGNINILAY-NILAY

aanhin kong umabot ng sandaang taon
kung nakaratay sa banig ng karamdaman
kung sa mundong ito'y natapos na ang misyon
kung wala na akong silbi sa sambayanan

ang sabi ko, ayokong mamatay sa sakit
mas nais kong mamatay sa tama ng bala
katatagan at kalusugan yaring bitbit
habang patuloy na naglilingkod sa masa

maabot ko lang ang edad pitumpu't pito
ay ayos na sa akin, laksa'y kakathain
sakaling abutin edad walumpu't walo
ito'y pakonswelo na lamang, sige lang din

kaya tara na, patuloy pa ring kumilos
bagamat wala pang sisenta't tumatanda
halina't sumabay pa rin tayo sa agos
ng kasaysayan, kasama'y obrero't dukha

- gregoriovbituinjr.
08.22.2025

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.