Miyerkules, Mayo 5, 2021

Face mask sa ilalim ng dagat

FACE MASK SA ILALIM NG DAGAT

bukod sa upos ng yosi't plastik sa karagatan
pati mga binasurang face mask na'y naririyan
bakit ba karagatan ay ginawang basurahan
paano ito nangyari't sinong may kagagawan

dapat may patakaran kung saan lang itatapon
ang mga face mask at face shield pag binasura iyon
kawawa pati mga isdang face mask ay nilalamon
na ayon sa ulat, nahahalo sa lumot iyon

lalo't nagiging microplastic ang mga basura
sa dagat, na sa liit ay di natin nakikita
pag kinain ng isda, tanggalin man ang bituka
at kinain natin ang isda, aba'y paano na

kaya pagtatapon ng face mask ay dapat isipin
subalit may balita noong di dapat gayahin
nilagay daw sa unan ang face mask na binenta rin
sa murang halaga subalit ito'y mali't krimen

dapat magkaroon ng batas ang pamahalaan
kung anong tamang gawin sa mga face mask na iyan
o gumawa ng inisyatiba ang taumbayan
nang face mask ay di maging basura sa karagatan

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.