Linggo, Mayo 2, 2021

Isa pang tula sa Mayo Uno 2021

ISA PANG TULA SA MAYO UNO 2021

mabuhay ang uring manggagawa
tunay na hukbong mapagpalaya
binubuhay ang maraming bansa
manggagawang kasangga ng madla

nagsama-sama ng Mayo Uno
upang kalampagin ang gobyerno
nagkakapitbisig ang obrero
sa maraming sektor na narito

habang ako'y nakilahok pa rin
taun-taon dahil sa layunin
na buong uri'y pagkaisahin
at bulok na sistema'y baguhin

kapag Mayo Uno'y sumapit na
'renewal of vow" ang nadarama
katapatan sa prinsipyo't masa
sa puso'y tumatagos pagdaka

manggagawa sa buong daigdig
ay talagang nagkakapitbisig
upang kapitalista'y mausig
upang tusong burgesya'y malupig

patalsikin ang lider na bugok
ang masa'y di na siya malunok
sinong dapat ilagay sa tuktok
lider-manggagawa ang iluklok

ito ang hiling namin at sigaw
na sa bansa'y umaalingawngaw
asam naming dumating ang araw
na bagong sistema ang lilitaw

na pagsisikapan ng obrero
na palitan ang kapitalismo
at isang lipunang makatao
ang maitayo sa buong mundo

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.