Martes, Mayo 4, 2021

Peyon tugaw

PEYON TUGAW

kumbaga sa chess o ahedres iyon ay touch move na
di maaaring ibalik pag iyo nang natira
di na mababago ang naisulong mong piyesa
tawag pala'y peyon tugaw kapag sa larong dama

may lokal na katawagan, salitang Ilokano
sa gayong maling tira't patakaran pala ito
ang touch move sa Ingles ay may katumbas pala rito
peyon tugaw ang lokal na salita natin dito

touch move ka na, peyon tugaw ka, anang manlalaro
kaya mandaraya'y sa hiya tiyak manlulumo
salitang ambag sa isports na di dapat maglaho
isa ring disiplina't paghusayan pa ang laro

kaya peyon tugaw ay salitang gamiting sadya
na ambag sa pagpapaunlad ng sariling wika
sa mga torneyo ay gamitin na ang salita
upang mabatid ng masa't gamitin nilang kusa

kaysarap ilapat sa tula ang wikang sarili
magpatuloy lang magsaliksik ng mga ganiri
ilapat sa tula bakasakaling makumbinsi
ang bayan na sa wika ay makapagsasarili

- gregoriovbituinjr.

peyon tugaw - salitang Ilokano, na ang ibig sabihin ay patakaran sa larong dama na hindi na maaaring ibalik ang naisulong na piyesa at magbago ng tira, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 965.

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.