Martes, Setyembre 16, 2025

Kapag nagalit ang taumbayan

KAPAG NAGALIT ANG TAUMBAYAN

kapag nagalit ang taumbayan
sa talamak na katiwalian
nangyari sa Indonesia't Nepal
sa Pinas nga ba'y maiiwasan?
iyan ay malaking katanungan

sa Indonesia't Nepal, nagalit
na ang taumbayan sa korapsyon
pati gusali ng parlamento
ay nilusob ng masa't sinunog
na sa korapsyo'y tanda ng poot

nagawa ang di inaasahan
sa Pinas ba'y mangyayari iyan?
aba'y naging legal ang nakawan
sa proyekto ng pamahalaan
ghost project nga'y pinag-uusapan

tumbukin ang tunay na problema
iyang kapitalismo talaga
tipid sa serbisyong panlipunan
sa ghost project, binaha ang bayan
korporasyon ang nakikinabang

bulok na sistema ang dahilan
kasakiman at kapangyarihan
oligarkiya, trapong gahaman
at dinastiya pa'y naririyan
na dapat ibagsak nang tuluyan

- gregoriovbituinjr.
09.16.2025

* ang litkuran (litrato sa likuran o background) ay mula sa pahayagang Bulgar, Setyembre 13, 2025, pahina 2-3

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.