Sabado, Setyembre 13, 2025

Nangungunang contractor sa bansa

NANGUNGUNANG CONTRACTOR SA BANSA

siya'y pinaka-contractor ngayon
na nagdiriwang ng kaarawan
ngunit sadyang may mali sa layon
na lupa sa bansa'y parentahan
ng siyamnapu't siyam na taon
sa mga banyaga o dayuhan

anupa't mas matindi pa siya
kaysa taga-DPWH
kaytindi kaysa mga Discaya;
kaya tao'y dapat lang magalit
lalo sa isinabatas niya
na talaga namang anong lupit

ang Republic Act 12252
ay siyamnapu't siyam na taon
na lupa'y uupahan ng dayo
habang sa dukha'y may demolisyon;
sa bigas para tayong nagtampo
na sa tusong dayo'y pinalamon

- gregoriovbituinjr.
09.13.2025    

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.