Martes, Agosto 25, 2026

Ang masamang asal ng nasa political dynasty

ANG MASAMANG ASAL NG NASA POLITICAL DYNASTY

sadyang sa hayop ay masahol pa
ang asal ng nasa dinastiya
utusang pulubi lang ang masa
na tatahimik lang sa ayuda

masa'y di kapwa, di mamamayan
ganyan ang dinastiyang gahaman
di ba natin isusuka iyan?
ipapanalo pa ba ang ganyan?

kaasalang ang iba'y apihin
matapobre pa kung makatingin
mapanlait kung iyong suriin
dinastiya'y talagang salarin

ng ating karapatang pantao
silang di marunong rumespeto
na ang masa'y sinliit ng buto
habang sila'y sinlaki ng buko

wakasan na ang sistemang bulok
pati dinastiyang asal bugok
ibagsak ang dinastiyang hayok
silang di dapat muling maluklok

- gregoriovbituinjr.
08.25.2026

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.