Biyernes, Mayo 7, 2021

Pagninilay sa iba't ibang yugto

PAGNINILAY SA IBA'T IBANG YUGTO

lumalatay sa binti ang dinulot ng delubyo
di dapat maglakad sa baha matapos ang bagyo
lalo na't lestospirosis ay tiyak kalaban mo
at paano pa kaya kung may rayuma si lolo

magtanim ng gulay ay isang aral sa pandemya
upang may mapipitas balang araw ang pamilya
magtanim ng puno kahit matagal pang mamunga
kahit tagalungsod ay mag-urban farming tuwina

nakababahala ang mga basura sa dagat
mga plastik, upos at face mask na yaong nagkalat
tao nga ba ang dahilan, ang budhi'y nanunumbat
laot na'y basurahan, sa dibdib mo ba'y mabigat

kabundukan at kagubatan ay nakakalbo na
dahil sa ilegal na pagtotroso't pagmimina
dito'y limpak ang tubo ng mga kapitalista
balewala lang kung kalikasan ay masira na

may Earth Day sa Abril, National Bird Day sa Enero
World Forestry Day at World Water Day naman sa Marso
may World Environment Day at World Oceans Day sa Hunyo
at World No Tobacco Day sa huling araw ng Mayo

may World Ozone Day at Green Consumers Day sa Setyembre
may World Habitat Day at World Wildlife Week sa Oktubre
aba'y may America Recycles Day sa Nobyembre
World Soil Day, International Mountain Day sa Disyembre 

maraming araw palang para sa kapaligiran
mga paalalang magsikilos ang taumbayan
at huwag balewalain si Inang Kalikasan
dahil iisa lang ang daigdig nating tahanan

personal kong ambag ang maggupit-gupit ng plastik
isiksik sa boteng plastik upang gawing ekobrik
tinanganan kong tungkuling walang patumpik-tumpik
na pati upos ng yosi'y ginagawang yosibrik

tara, pakinggan natin yaong lagaslas ng batis
masdan din ang batis, di ba't kayganda kung malinis
pag kalikasa'y sinira, iyo bang matitiis
o tutunganga ka lang kahit may nagmamalabis

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.