Biyernes, Mayo 7, 2021

Salamisim sa iba't ibang tagpo

SALAMISIM SA IBA'T IBANG TAGPO

tulad ng kagutumang sadyang di kayang tiisin
yaong pagtahak sa masalimuot na landasin
"matter over mind" talaga kung iyong iisipin
ang anumang nangyayari sa buhay-buhay natin

kaya habang ginagawa ang akda sa tiklado
at inaayos ng matino ang letra't numero
nagsalimbayan sa isip ang mga panlulumo
habang sa pandemya'y kayraming nagsasakripisyo

katuwang ko sa problema ang kapwa maralita
kasangga sa pakikibaka'y mga manggagawa
lakad ng lakad kung saan-saan ang maglulupa
at lipunang makatao'y aming inaadhika

paminsan-minsan ay naggugupit-gupit ng plastik
upang isiksik ang mga ito sa boteng plastik
mahalagang tungkulin na itong pageekobrik
habang upos naman ang tinitipon sa yosibrik

minsan, kinakayod ang niyog upang magbukayo
habang nakikipaghuntahan pa rin kay tukayo
iwinawasto ang mga kaisipang baligho
na alak, babae't sugal ang sinasambang luho

nang anak niya'y pinaslang ay dama ko ang inang
habang luha niya'y umaagos nang walang patlang
di matingkala ang pinsalang likha sa pinaslang
lalo't sanhi'y balighong utos ng ama ng tokhang

ipinaglalaban man ang panlipunang hustisya
prinsipyo'y di isusuko ng mga aktibista
lalo't lipunang makatao ang adhika nila
na siya ring isusulat ng makata tuwina

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.