Miyerkules, Marso 9, 2022

Ang landas na nais kong matahak

ANG LANDAS NA NAIS KONG MATAHAK

kung sakali mang ako'y apihin
ng sinumang gago'y didibdibin
sila'y tiyak kong kakalabanin
madugong landas man ang tahakin

dahil nais ko'y kapanatagan
ng isipan at ng kalooban
subalit akin nang nakagisnan
ang kabulukan sa ating bayan

ayos daw ang kontraktwalisasyon
para sa kapitalistang miron
ngunit sa obrero'y salot iyon
na dapat lang wakasan na ngayon

ayos lang daw yumaman ang trapo
malaki raw ang sahod ng tuso
ngunit walang pagpapakatao
serbisyo'y ginawa nang negosyo

ayos lang daw maapi ang dukha
kaya dapat daw silang mawala
basura raw sa mata ng madla
pangmamata na nila'y malala

karapatang pantao'y nawasak
tao'y pinagagapang sa lusak
kaya landas kong nais matahak
sistemang bulok ay maibagsak

- gregoriovbituinjr.
03.09.2022

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.