Huwebes, Marso 17, 2022

Ngiti

NGITI

nakakahawa ang iyong ngiti
sasaya kahit may dalamhati
nakakaakit ang bawat ngiti
na sa puso ko'y nananatili

nakakahawa kahit pandemya
ang ngiti mong may buong pagsinta
ako'y napapangiting talaga
binabalik ang ngiting halina

sa ngiti, nabubuhay ang mundo
lumilinaw kahit ang malabo
pagsinta'y tiyak di maglalaho
kung may halina't ngiti sa puso

ngiti mo'y talulot ng bulaklak
lalo't dinggin ang iyong halakhak
pumapagaspas, puso'y may galak
at may ginagapas sa pinitak

sana pagngiti'y di ipagdamot
pangit ang laging nakasimangot
sa ngiti'y nawawala ang lungkot
pasensya sa aking mga hugot

- gregoriovbituinjr.
03.17.2022

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.