Huwebes, Marso 24, 2022

Sa aking daigdig

SA AKING DAIGDIG

mga tula ang aking daigdig
kasama'y obrerong kapitbisig
mga prinsipyado't tumitindig
sa isyu't sa masa'y nananalig

sa daigdig ko'y kayraming tula
na kinatha para sa dalita
pinagsasamantalahang dukha
at mga naaping manggagawa

obrero't dukha ang aking guro
pakikipagkapwa ang tinuro
sa api pumipintig ang puso
at di sa mga trapong hunyango

sa daigdig ko'y kinathang tunay
ang mga tula ng paglalakbay
na sa pag-iisa'y naninilay
na ang paglikha ng tula'y tulay

tulay ng pagkakaunawaan
tulay sa hustisyang panlipunan
tulay ng galangan, kagalingan
at tulay sa pagkakapatiran

- gregoriovbituinjr.
03.24.2022

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.